“MALAMYANG boss si hepe”, ‘yan ang hindi ko inaasahang pagsasalarawan kay Valenzuela police chief S/Supt. Roderick Armamento sa Chokepoint.
Ang maanghang na komentong ito ay naibulalas kamakailan sa inyong lingkod ng mga dikit kay Mayor Rex Gatchalian at ilang pulis ng lungsod.
Ang kanilang pahayag ay sagot – anila – sa magkasunod na isyu ng Chokepoint na nagdedetalye sa kabalbalan ng Valenzuela police.
Base sa sumbong na ating nakalap, naisulat ko ng dalawang beses ang tatawagin ko nang ‘mahinang’ liderato ni Col. Armamento.
Una ay ang ukol sa kawalan ng kaalaman sa ‘intel works’ ng itinalagang intelligence officer, isang Insp. Jonathan Victor Olvena. At ang sumunod ay ang hamon ng Chokepoint kay Mayor Rex na silipin ang mga nangyayaring kababalaghan sa pulisya ng Valenzuela.
Kung bakit sinasabi nating ‘walang alam’ si Insp. Olvena, naku eh, lantaran ang vice operaton, pero wala pa rin siyang kaaalam-alam.
Bukod sa vice ops, ang drug dealing operation ay namamayagpag din, subalit wala pa rin alam si tinyente sa mga nangyayari.
Hindi naman siguro siya bulag at bingi para ‘di makita at marinig ang tungkol sa mga operasyon ng bisyo sa kanilang hurisdiksiyon.
Lantad sa publiko ang pagpapalaro ng sakla ng isang ‘Totie’, lotteng ng isang ‘June’, jueteng at bookie karera ng isang ‘Oca Sebastian’. Kung magaling na intel officer si Insp. Olvena, wala sanang nakikitang sakla, lotteng, jueteng at bookies ng karera sa Valenzuela.
Ang kahinaan ni Insp. Olvena bilang intelligence officer ng Valenzuela police ay reflection o sumasalamin sa liderato ni Col. Armamento.
Kung sa simpleng sugal ay ‘di na maasahan ang intel officer ni Col. Armamento, paano ito makakahuli ng mga holdaper, killer, etcetera.
At dahil mahina ang intel officer, nanganganib ang peace and order ng lungsod na pinayabong nina Mayor Rex at Cong. Win Gatchalian.
Nang dahil lang sa kapalpakan ng inteligence officer, ang maunlad na Valenzuela ay magsa-suffer, aba eh, ‘di siguro papayag ang Gatchalian brothers.
Ngayon, ang suhestyon natin kay Col. Armamento, para ‘di tawaging ‘malamya’, aba’y, sir….magpakitang-gilas ka naman. Dahil ayaw ni Gen. Leonardo Espina ang natutuloggggg sa pansitannnnn! CHOKEPOINT/BONG PADUA