KAMAKAILAN ay nagbalik na po ang “hindi gaanong kilala” pero malaman na PRO-MEDIA NEWS FORUM. Dumalo ang maraming kapatid sa hanapbuhay at mga respetadong panauhin. Singhap man ang pagbabalik, nakaraos naman nang maalwan.
Salamat kina NPC President at Vice-President JOEL SY EGCO at BENNY ANTIPORDA. Pinangunahan nila ang bendisyon at si Quezon City Police District Director JOEL DULDULAO PAGDILAO ang nagpanumpa sa mga bagong opisyal na pinangunahan ni Ate Lily Reyes ng Lily’s Files ng REMATE.
Maalala na nagsimula ang PRO-MEDIA News Forum sa Quezon City Sports Club sa tulong ng pangulo nila na si G. Tony Chua. Naniniwala siya sa kakayahan ng grupo. Sa loob ng halos isang taon sa Sports Club, maraming balita ang maipagmamalaki namin.
Ang mga balita ay hindi lang pambansa kundi naging usapan sa mundo. Opo, sa PRO-MEDIA News Forum pumutok ang kaso ng paghahabol ng Sultanate of Sulu ni Sultan Kiram para mabawi ang Borneo o Sabah ngayon.
Ang Borneo ay ibinigay ng Sultan ng Brunei sa Pilipinas matapos na tulungan ng Sultan ng Sulu ang monarkiyang pamahalaan ng Brunei sa insureksyon. Nasa tala ng kasaysayan ito.
Nirentahan ng mga negosyanteng British ang ating isla na Borneo. May basbas ng kanilang pamahalaan, pinagpistahan nila ang yaman ng kalikasan. Kolonya ng Britanya noon ang Malaysia.
Pero nang isulong ang paglaya ng kolonya ng Malaysia, sa halip na ibalik sa atin ay ibinigay ang Borneo sa kanila dahil sa laki ng kanilang atraso sa mga Malays.
Sa PRO-MEDIA News Forum din pumutok ang pandurugas ng Maynilad at Manila Water. Siningil tayo ng mahigit P20-bilyon sa isang proyekto na gagawin daw pero ni isang pako ay hindi ginawa ng dalawang institusyon. Kabilang ang ilang miyembro ng PRO-MEDIA ang sumama para magsampa ng demanda sa Maynilad at Manila Water sa Korte Suprema. Kasama namin ang namatay na komedyanteng si TADO!
Noong Disyembre 16, ginanap sa Max’s Restaurant at soft re-launching ng pagbabalik ng PRO-MEDIA. Ang PRO-MEDIA ay nakatindig bilang Professional, Responsible at Organized media practitioners. Sa Pebrero 4, Martes ang full operation ng news forum.
Sa aming karanasan, sadyang marami ang nainggit, natakot at kinabahan sa responsible at komited na sistema ng news forum. Nakatatawa nga dahil hindi nawala ang intriga na ang mga NAGPAPATAKBO RAW NG PRO-MEDIA NEWS FORUM AY KUMITA NG MULTI-MILYONG PISO SA LAHAT na naging panauhin nito!
Hahahaha. Sayang, hindi nagkatotoo. Sana mayaman na kami at hindi natigil ang PRO-MEDIA! BALETODO/ED VERZOLA
