MARAMI ang generous daw pag panahon ng kapaskuhan, ayon sa isang survey.
Magaan ang daloy ng finances at ang daming gastusan. Masaya ang tao kapag ganitong panahon, at puno ang mga mall, lahat ng mga palengke at mga tiangge, at siksikan ang mga mamimili sa kung saan may murang paninda.
Pero dapat bantayan ang gastusan, ha, mga kababayan ko. Sabi nga ng mga matatanda, huwag naman gumasta na parang wala nang bukas! Dapat maging matalino sa paggasta ng pinaghirapang pera.
Pero ang isa sa mga napansin ko ay ang efforts ng financial companies na magdetalye ng mga paraan kung paano ang matalinong paggasta, lalo tuwing ganitong panahon. Okay yan, magandang tulong sa mga tao ang ganyan. Kailangan talaga paalalahanan ang lahat.
Natural kasi sa ating mga Pinoy ang maging galante tuwing Pasko, nakadikit kasi ito sa pagiging Kristyano ng marami sa atin at ang araw ng Pasko ay panahon ng pasasalamat sa mga blessings kaya hindi pwede magkuripot. Pero minsan sumusobra ang paggasta at kung hindi tayo mag-iingat ay baka wala nang matira pagkatapos ng Pasko. Said ang laman ng pitaka at baka nga kung kulang pa.
Kaya natuwa ako sa naririnig kong mga paalala mula sa mga banko at mga financial advisors. Mag-budget daw para sa gastos ngayong holiday season. Maski ang pagbili ng mga regalo ay dapat may budget. Halimbawa, kung P200 lang ang budget para sa mga regalo ay pilitin na P200 lang ang hanapin at bilhin.
Huwag daw masyadong gamitin ang credit cards lalo ngayon na ang daming mga sale at ang mga tindera ay talaga namang nanliligaw sa mga mamimili. Mag-isip bago gumasta.
Sabi ng mga experts mahalaga na nag nagba-budget at dapat lahat ay binabadyetan. Sa ganitong paraan maiiwasan ang mga hindi tamang paggasta.
Subukan ninyo ang suggestions ng mga experts. Magtalaga ng perang pwede lang gastusin para sa Pasko at isulat ang lahat ng gagastusin para malaman kung kasya ang inyong budget para sa gastusan. Paalala: Huwag gumasta na parang wala nang bukas. Goodluck sa lahat.
o0o
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
