HILONG talilong ang marami sa ating mga kababayan ngayong Pasko.
Gustong mamili ng panghanda, limitado naman ang badyet kung wala man. Pero sabi nga sa ingles, “Filipinos are resilient…” Bola!
Bakit nga hindi, ang laki ng nabawas sa presyo ng langis na panluto ng mga produkto pero sa kabila niyan, nagtaasan pa rin ang mga presyo sa merkado.
Gaano ba kalakas ang “buying power” ng ating piso ngayon?
Sabi ng lolo’t lola ko, noon daw kapag namimili sila ng halagang isang libong piso, halos kuba na sila sa pagdadala ng bilihin.
Ngayon, nakasampung libo na daw, isang daliri lang ang pambitbit nila? Lumakas nga!
Sa mga panayam kay Pangulong Benigno Simeon Cojuanco Aquino III (BSA3), lintik daw talaga ang pagtatag ng ating ekonomiya sa kanyang mahusay na paggiya.
Isama ang mga balita na halos nangunguna tayo sa buong Asya sa “economic recovery.” Inggit nga raw sa atin ang mga kapitbansa natin, eh. Imagine, “nangunguna” tayo?
Opo, sa tindi ng husay ng pamamalakad ng rehimen ni Aquino, hayun, ilang bilyong dolyar na ba uli ang nautang niya sa World Bank, International Monetary Fund at itong huli lang, sa South Korean Import-Export Bank.
Para raw kasi pambili ng mga jet fighter natin ‘yun.
Sige na. Moderno na kung moderno ang military at pulisya natin. Pero kumusta naman ang Paskong taumbayan ngayon?
Itong huli, nagpahayag ang mga lider-gabinete ni BSA3.
Pagpasok ng taon, itataas ang pamasahe sa “tumatakbong kabaong ng DOTC!”
Onli in da Pilipins talaga. Ang sama na ng serbisyo ng MRT, ang kapal naman ng mukha nila na itaas ang pamasahe!
Baliktad. ‘Yung masusulong na bansa, aayusin muna ang pasilidad at ginagawang maayos ang mananakay nila. Dito kay DOTC Abaya, warak na, ang lakas pa ng loob na maningil ng sobra!
Ang singilin sa kuryente at tubig natin ay nakaamba na rin pagpasok pa lang ng Bagong Taon 2015. Kung Kailan bumaba ang presyo ng panluto at pagggawa ng kuryente, saka naman nagtataasan ang presyo nila? Ano kaya ang batayan ng ekonomiya ni Aquino?
Dahil lang ba nalulungkot siya dahil maginaw na naman ang Pasko niya? Idadamay ang taumbayan look up, look up?
Ang tindi mo Noynoy. Pamasko mo, dagdag-gastos sa bayan habang ang mga kaalyado mo, mga kapartido mo, mga alipores mo sa kani-kanilang ahensya ay nag-bonus sa sarili ng milyunan! BALETODO/ED VERZOLA
