NAPAKA-HISTORICAL ng Family Fellowship at Thanksgiving ng Quezon City Police District (QCPD) na ginanap noong nakaraang Huwebes, Dec. 18 sa Kampo Karingal at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ang District ng “Search for Mr. and Miss QCPD.”
Naging punong-abala sa nasabing pagdiriwang si QCPD Director, PSS Joel D. Pagdilao at ang napakabait na asawa nitong si Mrs. Cynthia Pagdilao.
Kitang-kita sa mga mata ng mga pulis ang kasiyahan, lalo na nang magkaroon ng mini-concert ng OPM hitmen sina Richard Reynoso, Chad Borja, Rannie Raymundo at Renz Verano at ang batikang singer na si dating QC Councilor Anthony Castelo. Masayang-masaya rin ang mga anak ng mga pulis dahil lahat sila ay nakatanggap ng regalo at mga laruan mula sa pamunuan ng QCPD bukod pa sa natanggap na regalo ng mga pulis.
Kumbaga sa kasabihan ay walang pulis ang umuwing luhaan dahil talaga namang buhos ang mga regalo na ipinamigay ng QCPD kaya naman labis-labis ang kanilang pasasalamat kay QC Mayor Herbert Bautista at QC Vice Mayor Joy Belmonte.
Tampok sa nasabing kasiyahan ang Search for Mr. & Miss QCPD at rumampa sa stage ang 12 naggagandahan at makikisig na policemen/women at mga NUP o non-uniformed personnel. Marami palang nakatagong magagandang policewomen ang QCPD na pwedeng-pwede na ipanlaban sa mga beauty contest, walang pwedeng itulak-kabigin sa 12 rumampa sa stage dahil talaga namang makikinis, magaganda at magagaling sumagot sa mga tanong ng mga judge.
Talaga namang hinintay ng mga pulis kung sino ang mananalo dahil biruin mo namang ito ang kauna-unahang patimpalak ng Mr. & Miss QCPD kaya excited ang lahat. Maging si QCPD Director, Col. Pagdilao ay lumaban din ng puyatan at nakiisa sa kanyang mga tao.
At siyempre sa bandang huli ay isa lang ang itinanghal na Miss QCPD, at ang nanalong Miss QCPD ay isang NUP na galing sa Anonas Police Station 9 na pinamumunuan nitong si PSupt. Richard Fiesta. Bukod kay Col. Pagdilao ay naging punong-abala rin sa nasabing okasyon sina Col. Arnel Olivares at Col. Nestor Abalos.
Mabuhay kayo, mga sir.
Sa aking pagkakatanda, sa dinami-rami ng naging District Director ng QCPD ay apat na District Director lang yata ang nagpasaya sa mga pulis QC. Ito ay sina Ret. Gen. Magtanggol Gatdula, Ret. Gen. George Regis, Gen. Richard Albano at Col. Pagdilao.
Mga, sir, saludo ako sa ginawa ninyong pagbibigay-kasiyahan sa mga pulis ng QCPD kaya naman hindi kayo makalilimutan ng ating mga kapulisan dito sa QC.
Maligayang Pasko po sa mga reader ng Lily’s Files at sa pahayagang REMATE…maraming salamat po sa walang sawang pagtangkilik.
Mabuhay po kayong lahat.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09184177565. LILY’S FILES/LILY REYES