MATIRA ang matibay sa magiging resulta ng halalan sa darating na Mayo sa lalawigan ng Masbate. Tiyak ‘yan!
Sa panig ni incumbent re-electionist Gov. Rizalina “Dayan” Lanete ay kandidato rin ang kanyang mga anak sa pagka-alkalde at kongresman.
Sa panig naman ni Rep. Tony Kho, maliban sa kanyang hangad na makabalik sa kapitolyo ay kandidato rin ang misis na si dating Gov. Elisa Kho bilang kongresista at anak na si Mayor Winston Kho ng bayan ng Cataingan.
Bawat panig, parekoy, ay ayaw na may matalo sinoman sa kanilang mahal!
Ika nga, inaasahan na ng mga Masbateño na lahat ng paraan ay gusto at kayang gawin nina Dayan at Antonio.
Ngunit hindi maaari na magtatapos ang eleksyon nang walang nanalo at walang natalo.
Gaya ng mga nauna nating isinulat, uulitin ko, minsan pa na sinoman kina Dayan at Antonio na magsabing walang bahid ng dugo ang kanilang mga kamay sa larangan ng pulitika sa Masbate ay sinungaling!
Itong 2013 election, parekoy, ang tiyak na magdidikta ng magiging kapalaran nina Kho at Lanete sa pulitika sa Masbate.
Dahil tiyak na hindi na makalulutang muli si Dayan kung manalo si Antonio at vice versa.
At kung isang pamilya na lang ang may kontrol ng pulitika sa Masbate ay para kong nai-imagine ang mahabang panahon ng Espinosa sa Masbate!
Dahil dito, naniniwala ako, parekoy, na dapat talagang si Fr. Leo Casas na lang ang manalong gobernador sa 2013!
Para mabigyan naman ng pagkakataon ang pagbabago sa lalawigan kong mahal sa pamamagitan ng isang lider na tunay na maka-Diyos!
At makapanahimik na rin muna ang pamilyang Kho at Lanete!
Ang tanong, mananalo naman kaya si Fr. Casas gayong hindi naman siya handa na tapatan ang pera at makinarya ng pamilyang Kho at Lanete?
Sabi ng kaibigan kong Cebuano, “Mao kana ang pangutana nga nagtangag ug usa ka libo ug tunga nga tubag!”
‘Wag ipagkamali, parekoy, na tayo ay namumulitika, pangarap ko lang ang katahimikan sa lalawigan kong mahal!
Pero simula ngayon, kung araw-araw ay magsalita sa kanilang mga kakilala ang bawat Masbateño na gusto ng matiwasay na buhay, tiyak, parekoy, na bago mag-election ay mamamatay sina Kho at Lanete sa konsumisyon!
