MARAMI ang excited sa mga opisyal na nag-umpisa ng kampanya para sa halalan sa 2013.
Ang hinihintay kasi ng maraming tao ay ang debate ng mga kandidato. Sa mga debateng ito natin malalaman ang tunay na uri ng mga kandidato.
Sa mga debateng ito na ipinalalabas sa mga telebisyon at napanonood ng buong mundo makikilatis ang laman ng puso at damdamin ng mga nag-nanais na magsilbi sa bayan bilang senador.
Tagisan ng talino kumbaga, tagisan ng tatag ng loob sa pagsagot sa mga matatalas na tanong ng nagdududang bayan.
Kamakailan ay sumagot ang isang kandidato sa tanong tungkol sa luma nang problema ng nurses sa Pilipinas.
Ang sagot ng kandidato ay umani ng matinding pagbatikos, nagdamdam ang Filipino nurses sa iba’t ibang parte ng mundo.
Ano kaya ang epekto nito sa kandidatura ng nasabing kandidato?
Kamakailan din ay binigyang-diin ng ilan sa Simbahang Katoliko ang kanilang pagtutol sa RH bill at ilang Senatorial candidates ang napilitang magkomento sa isyu at ang pagsagot nila ay nagiging basehan ng mga botante sa pagpili ng iboboto.
Parang beauty pageant tuloy na inaabangan ang question and answer portion. Kapag ang kandidata nga naman ay hindi marunong sumagot, kahit pa ubod ng ganda ay mahihirapan na makakuha ng korona.
Pero magandang development ito sa pulitika ng Pilipinas. Ibig sabihin nagiging mas mahalaga na sa mga botante ang kakayahan ng isang kandidato na maayos na iprisinta ang kanilang mga sarili.
Kahit mayaman ka at kaya mong tumagal sa isang magastos na kampanya ay dadaan ka pa rin sa mapanuring mata ng bawat isang botante mo at huhusgahan ka kung ano ang masasalamin nila sa iyong mga mata, kung ano ang mababasa nila sa iyong mga kilos at pagpapasya at kung ano ang maririnig nilang mamumutawing mga deklarasyon mula sa iyong bibig.
Umpisa na ng senatorial debates, umpisa ng pinaka-exciting na parte ng kampanya. Tayong lahat ay makikinig at magmamatyag para sa kung kanino natin ibibigay ang ating mahalagang boto.
