PALILIWANAGIN ni Mayor Rolen C. Paulino ang Olongapo sa loob ng taong ito.
Ito Ang Totoo: sinabi ni Paulino sa kanyang pagharap sa Freeport Media Forum ng Samahan ng Mamamahayag sa Subic Bay Freeport (SMSBF) na isa sa prayoridad niya sa 2015 ay ang paglalagay ng ilaw sa lahat ng lansangan sa lungsod.
Malaking bagay kasi sa “peace & order” ang ilaw sa gabi at makatutulong pa ito sa turismo.
Wika ni Mayor Paulino, kinuwenta niya ang magagastos sa pagmamantine ng mga ilaw na sasagutin ng lungsod at nakita niyang kakayanin ito alang-alang sa kapakanan ng mga taga-Olongapo, mga bumibisita, nagtatrabaho at nagnenegosyo rito.
Ito namang Remy Field sa loob ng Subic Bay Freeport na pinangangasiwaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pamumuno ni Chairman Roberto V. Garcia, ay sentro ng maraming aktibidad hindi lamang ng mga taga-Olongapo, Subic at Bataan kundi pati mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang Remy Field na gawa pa ng mga Amerikano noong panahon na base ng US Navy ang Subic ay may “rubberized track” na “full-sized oval” kaya sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay marami ang nagbabayad para magamit sa exercise, may naglalakad, may tumatakbo, depende sa edad at/o kondisyon ng kalusugan.
Bukod sa oval, ang Remy Field ay may soccer field, mga basetball court at malawak na espasyo para sa mga konsyerto na pinagkakakitaan din ng SBMA dahil may bayad nga ang bawat pumapasok at gumagamit ng mga ito.
Ito Ang Totoo: hindi sapat ang mga ilaw sa loob at paligid ng Remy Field kaya nangangamba ang marami sa kanilang kaligtasan.
Katunayan, may mga insidente ng bukas-kotse na malamang kung may magpapang-abot ay mauwi pa sa patayan.
Siguro naman, sa dinami-rami ng kinikita ng SBMA sa nakalipas na tatlong taon na iniuulat na halagang bilyon-bilyon, hindi masama na paglaanan ng pondo ang mga ilaw sa Remy Field.
Bukod sa kaligtasan ng mga tao at kanilang gamit at sasakyan, makatutulong din sa turismo ang pagkakaroon ng ilaw sa Remy Field kahit hanggang alas-onse ng gabi man lang.
Ano po sa palagay ninyo, Chairman? Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.




