NAMAALAM na si General Alan Purisima bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) na tinanggap naman [kuno] ng kanyang Best Friend Forever o BFF na si PNoy.
Bagaman may kinakaharap din na kaso ng korupsyon tulad ni Purisima, umarangkada naman agad itong Bise-Presidente Jejomar Binay. Dapat daw ipitin ang lahat ng benepisyo ni Mamang Puring habang may kaso.
For your information, Vice-President Binay. Mayroon nang desisyon ang Korte Suprema na nag-uutos na huwag ipitin ang mga benepisyo ng mga opisyal ng gobyerno na nagretiro pero may reklamo o kaso na wala pang hatol.
Tulad ni Binay, sakaling lisanin na nito ang kanyang trono at bumalik sa pribadong buhay, makukuha nito ang lahat ng benepisyo kahit may kaso siya sa iba’t ibang korte at maging sa Office of the Ombudsman.
Buenas este, bueno… balik tayo kay Mamang Puring! Naniniwala akong hindi natatapos ang kanyang karera sa gobyerno nang magretiro ito bilang hepe ng PNP.
‘Yung iba nga riyan na hindi naman BFF ni PNoy ay nailagay bilang Cabinet Secretary, Commissioner ng iba’t ibang ahensya tulad sa Bureau of Customs (BoC) o kaya ay Presidential Adviser.
Kung Cabinet Secretary, malamang ay papalitan ni Purisima itong si DILG Sec. Mar Roxas kapag naghain na ito ng kanyang kandidatura para sa 2016 National Elections.
Kung Commissioner naman, malamang ay ilagay ito sa BoC. Dahil BFF ni PNoy, pwede niyang patalsikin sa puwesto itong si BoC Commissioner John Phillip Sevilla. Kayang-kaya ni Mamang Puring ito.
Pwede rin naman Presidential Adviser on Police Affairs itong si Mamang Puring. O, ‘di ba… siya pa rin ang lalabas na hepe ng PNP kapag ganito ang kanyang puwesto sa Malakanyang.
Sorry na lang tayo dahil matibay na kaibigan itong si PNoy. Hindi bibitiw hanggang sa huli, sa hirap man o ginhawa. Pero ang lahat ng ito’y magtatapos sa ika-30 ng Hunyo 2016.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.