DINAKLOT ng kamay ng batang palaboy ang tumpok ng adobong pusit sa plato ng aleng natulala na lamang sa asal-hayop na kanyang natunghayan, at saka kumaripas ng takbo sa kahabaan ng dalampasigan.
Ito Ang Totoo: hindi sa lugar ng mga iskwater, hindi rin sa gubat at lalong hindi sa kung saang mahirap na bansa ang eksena.
Ang eksena ay nangyari mismo sa ating harapan sa isang restaurant sa may “Waterfront Road” ng Subic Freeport na pinangangasiwaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Batid natin ang gutom ay nagtutulak sa marami na gumawa nang mali pero ang naturang bata, edad 10-14 taong-gulang, ay mababanaag na hindi naman gutom kundi kawalan ng kaalaman sa wastong asal at respeto sa sarili ang problema.
Ipinagpalit ng bata ang dangal sa isang dakot na pagkain mula sa plato nang may plato, kasi nga kinagisnan na sa mga magulang o may sindikatong nasa likod niya at mga katulad niya.
Ito Ang Totoo: ang mga tauhan ng Law Enforcement Department (LED) personnel ay inutil sa problemang ito kahit sila ay haharang-harang lamang sa kahabaan ng Waterfront Road.
Nag-aabang ang mga kolokoy ng lalabag sa “one-way traffic” na tama namang hulihin, huwag lang hihingan ng lagay.
Kahit nitong panahon ng katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC), naglipana ang mga batang palaboy, gayundin ang mga baklang tulad ni Jeffrey Laude na nagdadamit babae dahil nagpapanggap nga para makapanlalaki.
Pero itong LED personnel, hindi malaman kung ano ang nakatapal sa mga mata nila kaya walang nakikita, nag-uumpukan, nagkukwentuhan at kung hindi naninigarilyo ay may ka-text o kaya’y kausap sa cellphone.
Ito Ang Totoo: meron ding matitinong LED personnel pero marami ang salbahe at ang kakapal nang mukhang nagmamalinis pa. Kailangan na talaga ng malawakang pagbalasa at sibakan sa ahensyang ito ng SBMA.
Kung titingnan lang ni Chairman Roberto V. Garcia ang record nitong mga tauhan ni LED head Gen. Orlando Maddela (PNP/Ret.), makikita niya kung sino-sino ang patong-patong na ang kaso pero hanggang sa ngayon ay nananatili sa serbisyo.
Sana pagsisibakin na ang mga ito dahil baka sa bandang huli ay madamay pa si Chairman Garcia. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
