MUKHANG patungo na sa direksyon ng pagkamatay ang Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa ginawang paglapastangan at pagkitil sa buhay ng 44 SAF members ng MILF at BIFF.
Ito ang nakikita nating kahahantungan ng BBL dahil mukhang hindi na buo ang tiwala ng ating mga mambabatas sa naturang Muslim groups na nagpapatay-malisya lamang sa tunay na nangyari sa Mamasapano, Maguindanao.
Malinaw kasi sa ipinakikitang indikasyon ng Senado at Kamara na nawalan sila ng interes sa BBL dahil hindi biro ang ginawa ng MILF at BIFF sa tropang Special Action Force na kanilang minasaker nang halos walang kalaban-laban.
Alam din ng mga politiko natin sa Kongreso kung ano ang sigaw ng madla kaya tiyak na sa taguan o sa kangkungan ang bagsak ng BBL na pangunahing isinusulong ni PNoy.
Ito’y dahil kapag hindi nila pinakinggan ang malakas na public opinion ay sa malamang sa kangkungan din pupulutin ang kanilang mga karerang politikal.
Maging si Pangulong Noynoy Aquino III na pangunahing tagatulak ng BBL ay dapat na ring umatras sa pagsusulong nito dahil dapat niyang pakaisipin na 44 buhay ang nasawi. Idagdag pa ang ginawang pambabastos ng MILF at BIFF sa pamahalaan.
Tiyak ding bubulusok ang popularity rating ni PNoy kapag pinilit niya ang BBL na posibleng maging daan ng kanyang pagbagsak dahil natitiyak nating 80 porsyento ng mamamayan ang galit sa naturang pangyayari.
Alam ng lahat na may unawaan na ang MILF at gobyernong Aquino pero sa halip na magdahan-dahan sa kanilang mga ikinikilos ang tropang Muslim na ito ay pinalala pa nila ang sitwasyon.
Nakikita nating hindi na sa panahon ni PNoy aarangkada ang BBL at iyan ang dapat harapin ng Palasyo dahil bukod sa dapat nilang unahin ang pagpapanagot sa mga kumitil sa buhay ng 44 SAF at kailangan din nilang iligtas sa pagbagsak ang Aquino administration. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO

