HAYAN, nag-resign na si PNP Chief Alan Purisima dahil sa kumplikadong liderato niya sa Pambansang Pulisya.
Kumplikado dahil suspendido na, siya pa rin pala ang nagmando sa PNP-SAF na lumusob sa Mamasapano.
Tinanggap ang pagbibitiw ni Purisima ng kanyang BFF na si Pangulong Benigno Aquino III na may hapdi at kirot sa puso at dibdib.
Si PNoy mismo ang umamin na ganoon ang naramdaman niya kay BFF Alan.
Sa pagkamatay ng PNP-SAF 44, iba’t ibang indibidwal, grupo at kilusan ang humihiyaw ng pagbibitiw rin ni BSA3.
May mga pari, pastor, militante, mambabatas, politiko, militar, pulisya, mass media at etsetera pa.
In fairness kay Aquino, mayroon din naman nagtatanggol sa kanya. Mayroon naman nagsasabing, mag-resign na agad siya at hayaang maupo si Vice-President Jejomar Binay para raw maibalik ang tamang sistema ng liderato.
Nakatutuwa dahil nang banggitin si Binay bilang papalit sakaling mag-resign si Aquino, mas marami ang tumahol na ang tono ay pagtutol. Paano raw maitutuwid ang sistema ng pamamahala sa kamay ni Binay samantalang nahaharap ang huli sa maraming kaso ng korapsyon?
May nagsusulong naman ng pagtatatag ng alyansa na popostura bilang rebolusyonaryong pamahalaan o gobyerno. May nagsusulong din ng “snap election” para raw mas parehas ang maging resulta ng laban?
Wow. Ang daming matatalino talaga sa maliit nating Republika.
Patunay na hati-hati ang lipunang Filipino sa talaksan ng mga ideya’t argumento. Saan na nga kaya tayo patutungo?
Sa tono kasi, kanya-kanyang sistema ang gusto palabasin.
Pwede kaya na “winner take all” na lang? ‘Yung mas marami ’yung na lang ang sundin. ‘Yung mas posible, ‘yun ang dapat gawin.
Ano ba talaga, mga kuya at ate, ang gusto natin mangyari sa ating bansa? Sa rami ng suhestyon, mas lalong naging KUMPLIKADO ang pagtanaw kung saan tayo patutungo! Ayaw magpailalim ang isa sa isa.
Lutang ang interes ng bawat grupo na humihiyaw sa kalsada.
Kung literal na pakikinggan, nawawala ‘yung mitsa ng pagbabago sa buong sistema ng estado. Kumplikado sa dilang kumplikado!
Patunay rito ang mga panawagan ng kilos-protesta. May gusto sa Malacañang. May gusto sa EDSA.
May gusto sa Camp Crame at mayroon din naman sa Luneta? O hindi ba kumplikado?
Hindi ba pwede na magpakita ng tunay na pagkakaisa, bumuo ng iisang puwersa at sa isang lugar na lang magkikita para matiyak ang tagumpay ng hangaring magpatalsik ng isang mahinang lider ng Republika?
May nagtagumpay na bang rebolusyon na kanya-kanya ang sistema?
Malabo! Kumplikadong utak! BALETODO/ED VERZOLA
