ANG maganda sa aming Thursday Club sa Sollar Garden Café ay hindi lang ang fellowship kasama ang mga editor, kolumnista at brodkaster – matindi rin ang mga insight at analysis na ibinabahagi ng mga miyembro on
the side, habang nagsusunog-baga sa labas ng airconditioned function room.
Tulad na lang ng ibinahagi ni Toto Ylagan ng House of Representatives Secretariat ukol sa papal chances ni Cardinal Tagle at ang nagbabagang Sabah issue.
Para kay Toto na taga-Odiongan, Romblon, malaki ang pag-asa ni Tagle dahil sa timeliness. Relevant daw ngayon ang Pilipinas, kung saan galing si Tagle, dahil sa pagiging 4th largest Catholic nation ng ating bansa at dahil sa kapapasa lamang na RH Bill.
Maaari raw na bumaligtad ang maraming mambabatas kung magiging Santo Papa itong si Tagle. Malamang daw ay nasa isip ito ng maraming cardinal na nasa Roma ngayon para piliin ang papalit kay Benedict XVI.
Ang unang black Miss Universe n’ung 1977 na si Janelle Commissiong ng Trinidad Tobago ay nanalo raw noong kainitan ng apartheid. Si Carol Jozef Wojtyla ay naging Pope John Paul II n’ung 1978 n’ung kainitan ng mga strikes sa Poland. Marahil, dahil dito lumakas ang loob ng kanyang mga kababayan para matatag ang Solidarity noong 1980.
Maaari ngang may basehan ang sinasabi ni Toto na malaking impluwensiya ang relevance sa mga paradigm shift na nangyayari sa pagpili ng mga nakaraang Santo Papa o mga beauty contest, atbp. … ngunit sa ngayon, suntok sa buwan pa rin ang panaginip na ‘yan.
Pero, malay rin natin, ‘di ba?
Sa usaping Sabah naman, naniniwala si Toto na ang pinakamagandang gawin ng Pilipinas at Malaysia para pareho silang pogi sa mga botante nila ay ang pagdeklara nila at paglagda nila sa Sabah bilang isang “Zone of Peace.”
Temporary win-win solution ito habang inaayos nila pareho diplomatically ang solusyon na katanggap-tanggap sa pamilya ng Sultan of Sulu, sa Malaysia, at sa Pilipinas.
Kayo? Ano palagay n’yo sa mga panukalang ito ni Congressman Toto Ylagan?
