HAMON na lang sa susunod na liderato kung hindi na kayang gawin ang ilang pagbabago ngayon sa gobyerno kasi malapit na naman ang eleksyon.
Ito ang naisip ko nang maungkat ulit ang usapin ng pag-amyenda ng RA7160 o ang tinatawag na Local Government Code.
Noon pa ay naisulat na natin sa kolum natin ang ating mungkahi na pag-amyenda nito, partikular na ang isyu ng Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang IRA ay ang income ng mga local government unit (LGU) na nagmumula sa kaban ng national government.
May percent ng kita ng national government ang LGU.
Simple lang naman ang mungkahi natin, na kailangan lang mabago ang ilang patakaran sa pagba-budget para sa IRA.
Halimbawa, ang mga mayayamang siyudad tulad ng Makati at Quezon City ay kumikita ng bilyon-bilyon kaya naman ang IRA nila ay nasa bilyon din plus may iba pang kung ano-anong kita sila.
Paano naman ang mga 4th and 5th class municipality na maliit lang ang kita, o halos wala, at ang IRA nila ay porsyento lang din ng kanilang local income kung meron man. Paano sila aasenso?
Parang ang dapat na tulungan ng pamahalaan ay ang mga 4th at 5th class municipalities, ‘di ba?
Ang mga mayayamang lungsod ay malalaki na kung kumita at may pera pa sila for further development galing sa mataas na IRA nila na porsyento ng kung gaano kalaki ang kita nila.
Halimbawa ang Makati ay nag-declare ng almost P12B na revenue, kung kahit 5 percent lang ng amount na ‘yan ang IRA nila, malaki talaga.
Para lang magkaroon ng idea ang mga tao, ang Mamasapano halimbawa ay 5th class municipality. At nakita natin sa mga video ang itsura ng isang 5th class municipality.
Halos walang senyales ng kahit anong pag-unlad.
Sigurado ako sobrang liit ang IRA ng Mamasapano dahil wala naman sila halos kita.
Dapat mapag-aralan ang batas tungkol sa IRA. Dapat mas matutukan ang mga mahihirap na lugar sa bansa at mas mabigyan sila ng tulong pinansyal ng gobyerno para matulungan silang umunlad.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON