NOON, isang tawag lang sa paghingi ng tulong sa mga kapitbahay o kapwa, dumaragsa agad at handang tumulong. Maski bahay pa ang ilipat, nariyan sina kapitbahay sa isang AKSYON BAYANIHAN.
Sa mga bus at jeep, ‘pag may matanda, buntis o may kapansanan, nag-uunahan ang mga pasahero para ibigay ang kanilang upuan. Kapag kulang ang barya ng pasahero, may dumurukot ng kusa at nag-aabono.
Sa mga tawiran, walang disgrasya dahil nilalakad nang tatawid ang tawiran. Walang jaywalker. Walang patintero sa mga lansangan.
Ang mga sidewalk ay puno ng tao na naglalakad. Wala sa kalsada. Ngayon sa kalsada na ang tao ang sidewalks ay sa vendors na. Bawal pero kapag pinaalis sila, katwiran, “kaysa magnakaw raw?”
Ang mga lider-politiko noon ay nasa mga komunidad at kahalubilo ng mamamayan.
Inaalam sa sarili kung ano ang kailangan ng kanilang pamayanan. Direkta sila na nakatapak sa lupa kaya naman maunlad, noon!
Walang usapin ng relihiyon. Walang Katoliko o nagbagong Kristiyano. Walang Bhuddista o Jehovah. Walang Protestante o kaya Islam. Lahat, iisa, mga Filipino sa isip, salita at gawa. Iyan tayo noon.
Makatwiran ang daing ng mga kapatid natin na Muslim. Kasi sa balita ng krimen, kapag sila ang nasangkot, Muslim na literal ang laman ng balita. Samantalang sa iba, hindi sinasabi nga naman na Katoliko, Kristiyano, Protestante o kung anopaman.
Pero ngayon, may disgrasya na sa kalsada, ni walang lumalapit para tumulong kundi magmiron lang! Para bang takot na humawak o mag-abot ng kamay para tumulong. Kaya minsan, kahit walang traffic, nagsisikip dahil sa kamimiron, bumabagal ang pagmamaneho na hindi iniisip ang mga kasunod na motorista.
Lalo na sa mga usaping bayan na lahat tayo – bilang mamamayang Filipino – ay sangkot, tila ba wala ng paki sa isa’t isa. Pero ang huhusay naman magbigay ng reaksyon, puna o kritisismo! Kapag inaya naman sa isang pagkilos ng sambayanan, wala raw silang oras. Papasok sa trabaho. Maglalaba, plantsa at iba pa.
Nakalulungkot isipin. Tanim ng mga ninuno natin ay binura na ng panahon ngayon.
Apektado na sa kahirapan, gutom, sakit, walang pinag-aralan dahil hindi ibinibigay ng mga lider ng bayan, wala lang!
Ito na ba ang Pilipinas sa kamay ng mamamayan ngayon? Wala na ba ang minsan ay ipinagmamalaki ng lipunang Filipino, ang tulungan at bayanihan? Sadya bang nabuwag na sa damdamin ang makasariling ugali ng bawat tao?
Kung ayaw kumilos at itama ang ugaling makasarili, aba, makatwiran nga lang na tayo ay habambuhay na pagsamantalahan ng mga namumuno at buwayang politiko.
Maibabalik natin ito kung gusto natin. Kung hindi ngayon, kailan? BALETODO/ED VERZOLA