SA aking huling kolum ay tinalakay natin ang nangyayaring palusot ng private smoke testing facilities at ng Land Transportation Office (LTO).
Ano naman kaya ang nangyayari sa private drug testing centers na accredited din ng LTO bilang isa sa mga requirement sa pagkuha ng driver’s license?
Noong huling bahagi ng nakaraang taon ay nagsagawa ng raid ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tambayan ng mga driver ng JAM Transit, isang malaking bus company na biyaheng Laguna at Batangas.
Aba’y ito palang tambayan na ito ng mga driver ay isa ring drug den. Dito humihithit ng shabu ang mga driver bago bumiyahe.
Eh ‘di ibig-sabihin pala ninyo, eh, may mga high na driver ang Jam habang nagmamaneho at wala namang kaalam-alam ang kanilang mga pasahero.
Kapag nabangga ang mga ito, sino ang mananagot dahil pinayagang mag-drive ang mga adik na ito? Paano nagkaroon ng lisensiya ang mga ito?
Obviously, may ginagawang milagro sa mga resulta sa mga isinasagawang drug test ng mga accredited drug testing center ng LTO.
Hindi rin kapani-paniwala na hindi ito alam ng mga opisyal ng LTO. Doon lang sa nangyaring raid sa JAM Transit ay motu propio sanang sinuspinde ng LTO ang mga lisensiya ng mga driver ng naturang bus company at nagsagawa ng panibagong drug test sa mga ito.
Ngunit alam ba ninyo kung ano ang ginawa ng LTO? Eh ‘di waleyyy! Nganga!
Kung talagang seryoso ang ating pamahalaan na alisin sa kalsada ang mga adik at barumbadong driver, kinakailangang magkaroon ng paglilinis sa mga tiwaling drug testing center.
Hindi rin siguro masama kung tuwi-tuwina ay magsagawa ng random at surprise drug test and LTO sa lahat na public utility driver upang maprotektahan at mapangalagaan ang kapakanan ng ating mga mananakay. BIGWAS/GIL BUGAOISAN