SAAN ka nakakita na sila raw ang giant network pero malabo pa sa pusali ang reception ng kanilang channel? Ako po ay taga-Kyusi, mga suki. At sa Kyusi rin matatagpuan ang gusali at tower ng nagmamalaking giant network na ito.
Pero anak ng sinuswerte naman, mabubuwisit ka sa panonood sa mga channel ng higanteng istasyon na ito ng telebisyon dahil mananakit ang inyong mata sa labo. Akala mo nga, parang laging may eksena ng ulan sa inyong pinanonood.
Ayoko nang magpakabit ng cable dahil nadala na tayo. Dating may cable ang mga telebisyon ko sa lahat ng sulok nang bahay pati sa kubeta nang matuklasan kong pati pala ang aking mga kabarangay ay nakakabit na rin sa akin.
Kamukat-mukat, lumabo ang aking telebisyon habang napakalinaw sa mga kawatan kong kapitbahay.
Kung hindi lang sa pagiging adik ng aking maybahay sa mga teleserye ng nasabing network, hindi ko mapapansin ang tila panggogoyo sa televiewers nito. Aba’y malinaw pa manood sa mga istasyon na sinekwester ng gobyerno.
Ang kaso, wala namang kakuwenta-kuwenta panoorin ang mga programa ng government station dahil pulos pambobola lang ang ginagawa ng mga host nito.
Habang napakalabo ng reception sa mga channel ng tinutukoy nating giant network, ang karibal nitong isa pang higante sa larangan ng telebisyon ay sobrang linaw naman.
Halos magkapitbahay lang naman sila sa Kyusi. Bakit ba ganu’n mga suki. Kaya naman pala. Gusto lang tayong raketin ng network na ito.
May ibinebenta kasi itong bagong gadyet na magpapalinaw raw ng ating panonood sa kanilang channel. Lilinaw at giginhawa raw ang ating panonood maging sa iba pa nilang channel na mapanonood lang kung kayo ay may cable.
Ibig-sabihin, sinasadya nitong labuin ang kanilang mga channel para bumili ang kanilang mga suki ng naturang gadyet. Palibhasa, alam ng network na ito na marami silang manonood lalo na sa kanilang primetime teleserye.
Isa itong malinaw na panloloko sa bayang manonood ng telebisyon, taliwas sa kanilang ibinabandera na “service to the Filipino.” Imbes na ibigay ang kanilang buong serbisyo, inutay pa ito para mapagkakitaan ang isang umano’y solusyon. KANTO’T SULOK/NATS TABOY