SA patuloy nating pagbubulgar ng mga katiwalian na nangyayari sa National Food Authority (NFA), ilantad muna natin ‘yung magkasalungat na pahayag nina NFA Administrator Renan Dalisay at ang manager nito sa East District Office (EDO) kaugnay ng 500,000 metrikong tonelada ng bigas na inangkat sa mga Vietnam at Thailand.
Ang siste kasi rito, parang ginawa pang sinungaling ni NFA-EDO Manager Ray Villacorta si NFA Adm. Dalisay sa ipinalabas nitong press release na nagsasabing nadeliber na lahat ang 500,000 metriko tonelada ng bigas na inangkat sa Vietnam at sa bansang Thailand.
Biruin n’yo, sa pahayag ni NFA-EDO Manager Villacorta ay direktang kinontra nito ang press release ni Dalisay tungkol sa pagkakadeliber ng metrikong toneladang bigas sa bawat distrito na wala naman daw.
Kung iinspeksyunin daw ang kanilang bodega sa Antipolo City ay halos 1/3 na lamang daw ang laman nito dahil kakaunti lang daw ang dumarating na bigas.
Ang nangyayari tuloy, parang gustong sabihin nitong si Villacorta na sinungaling si Administrador Dalisay.
Aba, mukhang hindi na yata maganda ang nangyayari sa NFA na magkakasalungat na ang mga sinasabi.
Napaghahalatang may mga itinatago ang mga ito na hindi dapat malaman ng mamamayan.
Ano kaya ‘yun?
Abangan!
NAGLA-LOBBY ANG MGA CLUB OWNER
Bingi pa rin at hindi kumikilos si Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan sa talamak na prostitution sa sakop nito.
Ang balita ay tumatanggap ang opisina ni mayor sa mga night club, beerhouse, casa at iba pa sa area niya dahil malaki ang inila-lobby ng mga operator dito.
Maging ang kapulisan at barangay ay kasabwat n’ya.
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA