HINDI na tayo dapat magtaka kung bakit sa kabila ng napakaraming tourist attraction sa bansa ay nangangamote pa rin ang Pilipinas sa dami ng mga namamasyal foreign at local tourist. Isipin mo, eh, daig pa tayo ng milya-milya ng mga bansang Singapore na mas maliit pa sa Quezon City ang lawak ng lupain nito?
Bulok kasi ang mga sistemang ipinatutupad sa napakaraming lugar na dapat sana ay dinaragsa ng mga tao para mamasyal. Mga bobo at kulang naman sa diskarte ang mga taong nagpapalakad sa mga ito.
Isang halimbawa itong Daranak Falls na pinatatakbo ng Tanay Tourism Office. Isa ito sa mga paboritong destinasyon hindi lamang ng mga lokal na turista kundi maging ng mga biker.
Noong mga nakalipas na panahon ay okay lang ang magdala ng bike sa loob ng resort ng Daranak kaya nagulat kami noong pumunta kami nitong Sabado dahil ipinagbabawal na ito.
Sa labas ng resort ay may mga mukhang sanggano na nag-aalok ng bike parking pero may bayad ito.
Dahil dito ay tinanong ko ang mga nangangasiwa sa naturang resort kung anong masamang hangin ang dumaan sa kokote nila at bigla na lamang nilang ipinagbawal ang bisikleta sa loob.
Bagong policy raw ito. Tinanong ko ulit kung may kinalaman ba ang mga mukhang sanggano sa labas ng resort sa management ng Daranak na nag-aalok ng bike parking.
Ang sagot, eh, wala raw at ang mga ito ay mga volunteer lamang daw.
Tinanong ko ulit kung may lugar na inilaan ang management ng Daranak para sa bike parking na binabantayan mismo ng kanilang mga tauhan. Wala raw.
Aba’y saan kayang lupalop ng universe napunta ang utak ng mga taong nangangasiwa ng Daranak Falls? Hindi ba alam ng mga tanga na ito na ang ilang bisikleta ay singhalaga na ng kanilang sahod ng dalawang taon?
Walang tangang biker ang mag-iiwan ng bisikleta sa kahit kaninong kumag, lalo pa’t wala naman pala itong mga pananagutan sa management ng Daranak. Eh, kung itakbo ng mga ito o kaya nakawin ang ilang parte ng kanilang mga binabantayang bike, babayaran ba ito ng Tanay Tourism Office, aber?
Alam kaya ito ni Mayor Rafael “Lito” Tanjuatco?
Kung marunong lang sanang dumiskarte itong mga tangang nangangasiwa ng Daranak falls, napakadali lang naman sanang maglagay sila ng bike parking area sa loob o dili kaya ay sa labas ng Daranak na binabantayan ng kanilang sariling tauhan.
Madali at napakamura lang namang gumawa ng sampayan para sa bisikleta.
Ang problema, eh, mukhang hindi na yata marunong mag-isip itong mga ungas na taga Tanay Tourism Office.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon ay mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
