TULALA ang maraming “locator” o nagnenegosyo sa Subic Freeport, partikular ang mga importer ng “used vehicles” at “heavy equipment” dahil sa Administrative Order ng Land Transportation Office (LTO) na nag-uutos na lahat ng mga imported na behikulo sa Subic ay sa LTO Regional Office na sa Pampanga irehistro.
Ito Ang Totoo: ang order ng LTO main office ay kaliwa’t kanang sampal sa LTO Subic dahil lumalabas na hindi ito pinagkakatiwalaan kaya inilipat sa Pampanga ang parehistro.
Ang resulta ay dagdag-gastos sa bawat ipinarerehistro dahil bukod sa “registration fee,” may gastusin pa sa biyahe patungong San Fernando, Pampanga at pabalik ng Subic, ang bayad sa driver, food allowance, toll fees at iba pa, huwag nang isama ang “SOP,” kung anoman iyon.
Layon umano ng LTO na mapadali ang proseso at maiwasan ang katiwalian pero sa halip na mapadali, tumatagal nang mahigit doble sa dati, at ang lagayan naman sa LTO Subic, kung meron man, ay talagang naiwasan dahil sa Pampanga na nagkakaayusan.
Ang galing ng mga bossing sa LTO, centralized na nga naman ang kita, este, rehistrasyon pala.
***
Kung gaano kanipis ang semento at aspalto sa maraming pa-trabaho ng Dept. of Public Works & Highways (DPWH) ay ganoon naman saliwang kakapal ang mukha ng mga tiwaling opisyal nito na kasabwat ng mga kontratista.
Halimbawa ang baboy na pagkagawa ng bagong Bancal Bridge sa Iba, Zambales na ipinalit sa tulay na naroon na bago pa ang panahon ng Hapon pero giniba ng contractor na BSP Construction para pagkakitaan ang mga bakal nito.
DPWH Central o main office sa Manila ang nagpagawa ng tulay at kumuha sa BSP Construction kaya walang kinalaman ang pamahalaan ng lalawigan ng Zambales, katunayan, kahit ang DPWH sa Zambales ay walang kinalaman.
Bako-bako, may mga usling bato at ang “approach” ay walang reinforcement, pinatubuan lang ng damo.
Tulad ng sa Zig-zag sa Masinloc-Palauig section, lantad din ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng Zambaleño ng pesteng DPWH Central Office at mga kakontrata nitong R.D. Policarpio & Co. Inc. at Sunwest Construction sa paggawa ng bahaging Zig-Zag sa lansangan sa Olongapo.
Hindi po ba kayo nakakahalata sa mga bata niyo, Pangulong Aquino?
Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
