SA kabila ng pagtanggi ng tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles na wala sa bansa ang kanyang anak na si Jeane ay bigla itong lumutang noong isang linggo, para magpiyansa ng P50,000 sa Court of Tax Appeals sa milyon-milyong pisong tax evasion case na kinasangkutan.
Nang lumitaw ang batang Napoles ay nabuko na totoong nalusutan pala nito si Immigration Commissioner Siegfred Mison at ang kanyang mga tao, na tungkuling magbantay sa NAIA sa pagpasok at paglabas ng mga taong pinaghahanap at may sabit sa gobyerno.
At dahil ang ahensiya ng Bureau of Immigration ay nasa ilalim ng Department of Justice, hindi kaya maapektuhan si Justice Sec. Leila de Lima sa kapalpakang ito? Kinumpirma ng BI na nakabalik na sa bansa si Jeane sa kalagitnaan lang nitong Marso.
Pero naulat na noong Setyembre pa raw ito nasa bansa at nakuhanan pa ng larawan na nakangiti habang nasa birthday party ng kanyang pinsang si Ellie, ang pinakabatang anak na babae ni Reynald “Jojo” Lim, na kapatid ni Janet. Kasama rin sa kasiyahang iyon sa isang five-star hotel noong Oktubre 10, 2014 ang ama at mga kapatid ni Jeane at asawa ni Jojo.
Kapwa akusado rin ni Janet ang kapatid na si Jojo sa kasong “illegal detention” na isinampa ng pork scam star witness na si Benhur Luy. Ngunit kahit may arrest warrant laban kay Jojo at kanselado ang passport nito ay hindi siya mahuli-huli ng mga awtoridad mula pa noong Agosto 2013.
Maalaalang sumikat at kinapootan ng marami si Jeane nang lumabas noon sa social media ang mga larawan niya at ng mamahalin niyang mga gamit, pati na ang malaprinsesa niyang pamumuhay, samantalang ang kanyang ina ay akusadong nagnakaw sa kaban ng bayan.
At kung si Jeane na nahaharap sa kasong tax evasion ay nakalusot sa mga opisyal ng immigration sa airport, hindi kakaunti ang nag-alala na maaaring nagagawa rin ito ng ibang mayayaman na sangkot sa mabibigat na krimen at kayang magtapon ng milyones para makaiwas sa huli.
Kung may mahalagang pinagkakaabalahan ang ating mga opisyal, hindi raw ba makabubuting palitan sila ng iba na hindi tutulog-tulog sa trabaho, at kayang gampanan nang husto ang kanilang tungkulin upang magkaroon sila ng silbi sa gobyerno?
* * *
Ayon sa ating source ay isang “Sgt. Agrimano” ang umiikot para mangotong umano sa mga bahay-aliwan, sugalan, beerhouse at pati na sa drogahan.
Ang lakas daw ng loob nito para ipagyabang na may basbas nina PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina at National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Carmelo Valmoria ang ginagawa niyang pag-iikot, dahil ang pera na kinukuha niya ay gagamiting pondo ni Interior Sec. Mar Roxas sa nalalapit na halalan.
Kung sinoman ang Agrimano na ito’y maliwanag na nagpapayaman lang siya sa sarili habang ginagamit at ginagasgas ang malinis na pangalan nina Espina.
At sino ang maniniwala na ang isang presidentiable na tulad ni Roxas na may karangalang iniingatan, ay papayag na mangampanya sa halalan na gamit ang pondo na nagmula sa iligal?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
