KUNG maganda sana ang sistema sa registration ng mga sasakyan, makatwiran sana ang ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO) na “no plate, no travel policy.”
Ang problema, bukod sa pagiging inutil nitong mga opisyal ng LTO na sila ring may pakana ng bagong gimik na ito, aba’y palyado pa rin hanggang ngayon ang sistema ng pagbibigay ng plaka sa mga bagong sasakyan!
Kaya siguro kaliwa’t kanan ang inaabot na batikos ng Pangulong Aquino dahil puro palpak at patiwarik mag-isip itong kanyang mga bataan.
Wala akong tutol sa sinasabi nitong si Transportation and Communication Secretary Jun Abaya na ipinatutupad lamang ng LTO ang batas ngunit naisip din kaya niya na ang problema ng mga hindi pagkakaroon ng mga plaka ay nagmula rin sa kanyang opisina at hindi sa panig ng mga car dealer at mga bumili ng mga bagong sasakyan?
Batid kaya ni Sec. Abaya na maghihintay ka pa ng ilang buwan bago ka isyuhan ng plaka ng LTO dahil sa palpak na sistema sa loob ng ahensiya? Paano naman ang mga kababayan nating hindi magamit ang kanilang sasakyan dahil sa kapalpakan ng LTO?
Hindi naman natin hinihiling na balewalain ng LTO ang ating mga batas. Sa katunayan ay naniniwala tayo na kinakailangan na talagang tuldokan ang pagkalat ng mga sasakyang (kasama na rito ang mga motor) na ang tanging nakalagay sa plaka ay “No Plate Available.”
Ngunit anak ng tinapa naman, sapat na dapat ang isang araw matapos mabili ang isang sasakyan para malagyan ito ng plaka! Ano ba ang mahirap sa pag-iisyu ng plaka basta’t may mga nakalaan na kayong mga plaka?
Ang problema kasi, ultimo paggawa ng plaka ay pinepera ng mga anak ng demonyong taga-LTO kaya napakabagal ang produksyon ng mga plaka! At ano itong nabalitaan ko na maging ang mga plaka na may mga magandang numero at letra, eh, ikinakalakal ng mga demonyo sa LTO?
Ano rin itong nabalitaan ko na may nanghihingi pa ng “padulas” para mapalabas agad ang plaka ng mga bumili ng mga bagong sasakyan?
Sec. Abaya, mataas ang respeto ko sa inyo, sir. Pero sana naman bago ninyo sang-ayunan ang mga gimik ng inyong mga bataan ay tingnan ninyo munang mabuti kung ano ang tunay na problema.
Walang tutol ang ating mga kababayan sa “no plate, no travel policy” kung mabilis at maayos ang inyong sistema ng pagrerehistro ng mga sasakyan at hindi ito ginagawang gatasan ng inyong mga tauhan.
Mabuti pa itong si MMDA Chairman Francis Tolentino dahil nagagamit niya ng husto ang kanyang talino.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon at mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN