SABI ni Justice Sec. Leila de Lima, tapos na ang imbestigasyon ng kanyang opisina sa kung sino-sino ang mga dapat managot sa nasa 64 patay at 18 sugatan na pulis sa Mamasapano tragedy.
Pero wala pang tinutukoy kung sino-sino ang mga dapat na kasuhan. Sa labas ng Department of Justice, puro haka-haka lang ang pagkilala sa mga kakasuhan.
IQBAL AT MURAD
Isang tanong: Kasama ba sina Moro Islamic Liberation Front Chairman Al-Hajj Murad Ebrahim at ang chief peace process negotiator nitong si Mohagher Iqbal?
Ito’y dahil sa ang mga pwersa nilang MILF ang lumalabas na dumale sa 36 miyembro ng Special Action Force na nagsilbing blocking force habang pumapasok, umaatake at umaatras sa lugar ni Marwan ang 38 na ibang SAF. Isa lang ang natira sa unang SAF team.
Kung seryoso ang DOJ sa pagkamit ng hustisya, hindi dapat na mawala sa paningin nito sina Murad at Iqbal dahil lumalabas na sila na rin ang mga rumerenda sa MILF sa pakikipaglaban sa mga SAF.
Paano kung ang mga MILF kumander lang ang pananagutin ng DOJ?
‘Yan ay kung kakasuhan nga nito ang mga taga-MILF!
KATO, AMPATUAN
Ang tatlong grupo na kinabibilangan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, grupo ng Ampatuan at Justice for Islamic Movement, paano rin?
Pinamumunuan ni Umbra Kato ang BIFF, ni Mohammad Ali Tambako ang JIM at kamag-anak nina ex-Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. ang Ampatuan group.
Galing ang Ampatuan group sa nasa 1,000 kataong armadong tauhan nina Ampatuan Sr., ex-Mayor Andal Jr. at ex-Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang mga ito ang nakasagupa naman ng team na pumasok at pumatay kay Marwan at siyam na SAF naman ang napatay rito.
Kasama ba ang mga ito sa mga dapat na kasuhan?
PNP, AFP
May kasama bang mga heneral ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa mga kakasuhan?
Ang mga heneral na ito ang nagtuturuan sa hearing ng Board of Inquiry at Senado noon sa Mamasapano tragedy at nagtuturuan pa rin sa hearing ng Kamara kung sino ang mga dapat na managot sa kamatayan ng Fallen 44 at iba pang mga namatay at nasugatan.
Pakikinggan ba ng DOJ ang sinasabi ni ex-SAF chief Getulio Napenas na trinaydor silang taga-SAF nina Pangulong Noynoy at ex-PNP chief Alan Purisima habang pinabayaan naman sila ng mga heneral ng AFP na sina Armed Forces chief Gen. Gregorio Pio Catapang, Lt. Gen. Rustico Guerrero ng Western Mindanao Command, Maj. Gen. Edmundo Pangilinan at Col. Gener del Rosario, commander Army’s 1st Mechanized Brigade sa Maguindanao.
Alas-6 na ng hapon nang kumilos ang AFP para tulungan ang SAF samantalang dakong alas-6 din ng umaga sa araw na iyon nagpapasaklolo ang mga pulis.
Paano naman si PNP Officer-in-Charge Leonardo Espina na nagbibirong magre-resign lang siya kung magre-resign din si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas na naimpormahan din pala sa pangyayari magmula sa umaga sa araw ng labanan?
SINA PNOY AT PURISIMA
Ano rin ang gagawin ng DOJ sa partisipasyon nina PNoy at Purisima sa pangyayari na mukhang sila ang puno’t dulo ng kamatayan ng Fallen 44? Mismong ang BOI at Senado ang nagsasabi nito, huh!
Kwento nga ni Napeñas, nagmamadali at nagagalit na si PNoy sa mga nagdaang palpak na operasyon laban kay Marwan sa kanilang mga meeting sa Malakanyang bago ang araw ng labanan.
Si Purisima naman ang pumigil kay Napeñas na makipag-coordinate sa mga militar at kina Espina at Roxas bago ang pagpasok ng SAF sa madaling araw sa kuta ni Marwan.
Ipinahawak naman ni PNoy ang renda ng operasyon kay Purisima kahit na suspendido na sa kasong korapsyon ito.
DAGDAG-BAWAS
Makikita at makikita ng taumbayan kung magdadagdag-bawas ang DOJ ng mga kakasuhan nito.
‘Yun bang === magkakaroon ito ng mga tititigan at titingnan.
Kapag nangyari ito, tiyak na mabababoy ang katotohanan at katarungan. At sa pagkababoy ng katotohanan at katarungan, saang kangkungan pupulutin ang mga lider ng bayan na responsable sa maramihang kamatayan at massacre, bukod sa sugatan sa Mamasapano?
Ano rin ang mangyayari kung ang mga pipitsuging kumander ng MILF ang masasama sa kaso at hindi maisama sina Murad at Iqbal na hanggang ngayon, wala pang nakatitiyak kung Pinoy ang mga ito o Malaysiano.
Alalahaning sinasabi noon ni Iqbal na sa Malaysia siya nangangamuhan at sa Pilipinas na lang kapag napasa ang Bangsamoro Basic Law nang walang labis at walang kulang.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
