MAG-INGAT sa mga taxi na UBER.
Kung may naitala noon sa India na kasong rape sa UBER, mayroon ding mga kasong ganito kina Uncle Sam.
Ang UBER ay isang uri ng sistemang taxi na bumibiyahe sa pamamagitan ng pagkontak sa may sasakyang pribado sa pamamagitan ng cellphone o anomang gadget sa komunikasyon.
Sa Pilipinas, walang tatak ang sasakyan na klarong palatandaan na isa itong pampasahero gaya ng mga nakikita sa taxi at pupwede itong magamit kahit saang sulok ng bansa.
MGA RAPIST
Kabilang sa mga naitalang kasong rape ang magkahiwalay na naganap sa Chicago at California.
Napawalang-saysay ang kaso sa Chicago dahil nakita sa isang video na nagpapakita na humalik at yumakap nang mahigpit ang pasaherong babae sa driver bago ito bumaba at tumungo sa pulisya para magreklamo
Noong una, pinaniwalaan ang babae ng mga pulis at taga-usig pero makaraan ang isang-taong paglilitis, lumabas na nga ang video na dahilan ng pagkaka-dismiss ng kaso.
Pero ang kaso sa California ay dinirinig pa. Walang detalye sa kasong ito pero masasabing, katulad ng naganap sa India, sa loob mismo ng sasakyan naganap ang rape ngunit sa ilang na lugar.
DRIVER REHISTRADO?
Ayon sa UBER, masusing kinikilala nito ang mga driver ng mga sasakyang miyembro nito. Nangangahulugan na kumpleto ang mga driver ng mga dokumentong nagpapatunay na walang masamang rekord ang mga ito.
Pero sa pagsulpot ng mga kasong rape, nagsasampa ang gobyernong Kano ng mga kaso laban mismo sa UBER sa kabiguan nitong pigilin ang pagiging kriminal ng mga driver.
Hindi natin alam kung ano-ano ang mga kahihinatnan ng mga kaso laban sa UBER pero dahil ligal na ligal ito kina Uncle Sam, tiyak na may kalalagyan ito sa Pinas.
Wala pa namang kasong naitatala laban sa mga driver at UBER sa Pinas, rape man o hindi. Pero hindi nangangahulugan na walang anomang krimeng nagaganap.
Sa kasong rape o sexual harassment, hindi ba karaniwang hindi nagsusumbong ang mga biktimang Pinay dahil sa higit silang namamatay o nasisira sa kahihiyan sa pagsampa nila ng kaso?
KONTROBERSIYA
Pero ang totoo, hindi natin alam kung may nag-ooperate pang UBER sa mahal kong Pinas.
Dahil ang pagkakaalam natin, mga Bro, may mga pag-uusap pa sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board kung papayagang maging ligal ito sa Pinas. Nanguna ang mga organisasyong taxi sa pagrereklamo laban sa UBER hindi lang dahil sa kumpetisyon kundi dahil din sa posibleng pang-aabuso ng mga driver at UBER sa mga mananakay.
Isa pa, hindi rin malinaw ang pananagutan ng mga driver at UBER sa mga pasahero gaya ng insurance sa mga ito at pagbabayad na rin ng mga driver at UBER ng buwis.
Ano na nga ba ang balita rito, LTFRB chair Winston Ginez?
Paano ang nababalitaan nating may pasimple at sikretong operasyon ng UBER sa Pinas? Kung totoo ito, aba , delikado ang mga pasahero.
BABALA SA GIYERA
Ano itong pagpipilit ng chief negotiator ng pamahalaang Pilipinas sa peace process sa Moro Islamic Liberation Front na nahaharap sa matinding kaguluhan ang Mindanao kung hindi ipapasa ang BBL sa lalong madaling panahon?
Nakararamdam na ba ito ng takot sa paniniwalang kung ano ang nangyari sa Fallen 44 ng Special Action Force ay ganito rin ang mangyayari sa kahit sinong hindi Muslim o pwersa ng gobyerno na kumikilos sa mga teritoryong inaangkin ng MILF?
Nanginginig na ba ang tumbong nito sa kai-imagine na may 10,000 armado ang MILF na hindi mapipigilang pumatay kung hindi matutuloy ang BBL?
At ang 10,000 armado ay posibleng maging mga militante gaya ng Islamic State sa Iraw at Syria?
AYAW TANGGAPIN
Sabi ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal, maaaring hindi nila tanggapin ang anomang pagbabago sa panukalang Bangsamoro Basic Law.
Halos ayaw nga nitong pakialaman ng Kongreso o Kamara at Senado ang BBL at ipinipilit nitong si PNoy na lang ang dapat sundin na pabor na pabor sa BBL.
Eh, paano ang natatagpuan ng mga kongresman at senador na nilalaman ng BBL na taliwas sa Saligang Batas?
Halimbawa rito ang pagkakaroon ng sariling teritoryo at pamahalaan ang MILF na kumpleto ng ibang sangkap gaya ng halos ganap na kontrol sa mga nasasakupan nitong mga tao, kabilang na ang mga Kristiyano at iba pang hindi Muslim at sa ekonomiya?
Magkakaroon din ito ng sariling armadong pwersa na maaaring maituring na pulis o militar at manggagaling pa mismo sa pambansang pamahalaan ang mga armas, sahod at iba pang pangangailangan ng mga ito.
Paano ang mga ito, huh?
Ang mabuting gawin ni Ferrer ay lumayas na lang sa puwesto sa pagpapakita nito ng takot at tila pagsusulong ng interes ng MILF nang higit sa interes ng nakararami at ng buong bansa.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA