POLITIKA ang nakikitang dahilan sa pagkakatapon sa Marikina ng anim na empleyado ni Manila 5th District Councilor Ali Atienza.
Malayo pa ang election pero kitang-kita na ang totoong motibo, ang pamamaraan daw ng political harassment sa panig ni Ali Atienza.
Sa impormasyong nakarating sa Lily’s Files ay sinasabing humingi ng karagdagang tao ang Boystown sa Marikina sa Lungsod ng Maynila kung saan ay agad namang tumugon at nagpadala ang lungsod ng hinihinging karagdagang anim na tao.
Ang nakapagtataka at nakagugulat dito ay mayroong 36 na city councilors ang Maynila pero bakit kay Councilor Ali Atienza pa tinodo ‘yun anim na tao, pwede namang tig-isa sa bawat distrito.
Sabi ng ilang tsutsu sa Cityhall, e, ang dami naman daw 15-30 employee roon.
Bakit daw hindi ‘yun ang pinagtrabaho? Sagot naman daw ng ilang tsutsu rin, e, bakit kalaban ba ang mga ‘yun? Hahaha. ‘Yun lang…
Politika ang nakikitang dahilan sa nangyaring ito.Pero sa panig ni Ali, kahit wala siyang komite, walang pondo at ngayo’y tinanggalan pa ng tao, hindi raw magiging hadlang sa kanya ang ginagawang panggigipit na ito, bagkus ay ibayong serbisyo at tulong pa ang gagawin niya sa mga taga-Maynila.
Ang nakalulungkot lang ay ‘yung pagkawala ng respeto at pagkakaibigan ng pamilya dahil lang sa politika. Kilala nga naman kasi na magkaibigan ang pamilya Atienza at Estrada simula pa noon at kahit magkaiba sila ng partido, ang suporta at respeto ng mga Atienza kay Erap ay nanatili.
Hinagpis nga ng mga empleyadong ipinatapon sa Marikina, sabi nila, kahit nasa tanggapan sila ni Ali, ang suporta at boto nila noong nakaraang eleksyon ay si Erap dahil si Erap ang dinala ng mga Atienza, at bilang supporters ng mga Atienza, si Erap din ang ibinoto nila. At ngayon, eto raw ang ganti ni Erap sa kanila.
Sabi naman ng mga political observer, matatawag daw na political persecution ang ginawang ito kay Ali. Isang paraan upang pilayin o perwisyuhin si Ali at maantala o mapigilan ang ginagawang serbisyo ni Ali sa mga taga-Maynila.
Pero sabi pa rin ng ilang political analyst, ‘yun ang pagkakamaling ginawa kay Ali dahil mas ibayong suporta, paghanga at simpatiya pa ang tatanggapin ni Ali dahil dito. Nakita kasi ang kababaang loob at walang violent reaction sa panig ni Ali ng tanggalan siya ng tao.
Ang tanong tuloy ng Manilenyo? Ganun na ba ka-insecure kay Ali ang may pakana nito? Hindi naman siya tatakbong Mayor? Purely public service lang naman ang ginagawang pagtulong sa mamamayan? Bakit kailangang perwisyuhin?
Anyway, dahil sa nangyaring ito, mas lalo lamang nilang pinasama ang kanilang imahe. Para patakbuihin mo araw-araw sa Marikina ‘yung empleyado ng Maynila, sino ang pinahirapan nila? Si Ali ba o ‘yung karaniwang empleyado at residente ng Maynila? ‘Yun daw ba ang totoong “makamahirap?” kaya ang hirap talaga!!
Ano kaya ang say dito ni Manila Mayor Joseph Estrada, alam kaya niya ang pangyayaring ito at kung sakaling hindi niya alam, sino ang may pakana nito?
Hmmmm.. parang may naaamoy akong umaalingasaw. LILY’S FILES/LILY REYES
