SOBRANG inutil ang ating batas laban sa mga walanghiya at barumbadong driver, lalong-lalo na ng mga pampasaherong bus at jeep. Napakarami sa ating mga kababayan ang nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa mga demonyong ito sa kalsada subalit ni isa sa mga ito’y wala pa akong nababalitaan na nabulok sa kulungan.
Madalas ay nauuwi sa areglo ang kanilang mga kaso at dahil sinasabing aksidente ang mga ganitong kaso ay maaaring magpiyansa ang mga driver na nasasangkot sa mga disgrasya kahit ang biktima pa nila ay nawalan ng buhay.
Sa katunayan ay marami na tayong nababalitaan na kaso na inaatrasan pa ng mga demonyong driver ang kanilang nababangga upang ito’y matuluyan. Mas mahal daw kasi ang gastos sa pagpapaospital kaysa makipag-areglo sa namatayan.
Ang mas nakalulungkot ay puro nganga at pakamot-kamot lang ng yagbols itong mga opisyal ng ating pamahalaan. Kahit paulit-ulit na nasasangkot sa aksidente ang mga ulol na driver ay wala pa ring ginagawang hakbang ang mga ahensiyang gaya ng Land Transportation Office upang walisin ang mga walanghiyang ito sa ating mga kalsada. ‘Yan ang dahilan kung bakit ang yayabang ng mga gagong driver na ito.
Napakarami rin sa mga driver na iniisyuhan ng lisensya ay nakalulusot sa mga drug test kahit sa unang tingin mo pa lang, eh, alam mo nang ito’y isang adik.
Napakalaking inutil din itong ating mga lokal na pamahalaan gaya na lang itong bayan ng Antipolo na naging tambakan na yata ng demonyong driver. Sobrang kaskasero ang mga driver ng jeep sa lugar na ito, lalong-lalo na iyong mga biyaheng Antipolo-Cubao at vice-versa.
Kamakailan lang ay may kapadyak na naman tayong nasawi matapos suwagin ng isang pampasaherong jeep habang umaahon ito sa Antipolo. Agad na namatay ang biktima pero ‘yung driver ay malamang ay nakapagda-drive na naman ngayon dahil bailable naman ang kanyang kaso.
Walang pakundangan ang mga jeep na bumibiyahe sa rutang ito at sa halip na makatulong upang maging mas ligtas ang daan patungong Antipolo ay dumagdag pa sa problema ang katangahan ng mga pulis na naka-assign dito.
Sa sobrang tanga ng mga pulis dito ay naglagay sila ng checkpoint sa pabulusok at biglang liko na bahagi ng Ortigas Ave. Extn. at ito’y isa ring dahilan ng madalas na aksidente sa lugar.
Sana naman ay gumawa na ng aksyon ang ating pamahalaan upang higpitan ang pagbibigay ng lisensya sa mga public utility driver. Hindi kesyo marunong nang mag-drive, eh, pwede nang bigyan ng professional driver’s license at maaari nang magmaneho ng pampasaherong sasakyan.
Ang mga driver na madalas masangkot sa disgrasya ay dapat ding tinatanggalan ng lisensiya dahil mga salot ito sa ating mga kalsada.
Sana rin ay gumawa na rin ng aksyon ang pamahalaan ng Antipolo upang lansagin itong mga barumbadong jeepney driver na bumibiyahe sa kanilang bayan. Mahiya naman sana itong sina Mayor Casimiro Ynares dahil nagiging “biker killer” na ang kanyang bayan.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon, mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
