MALAPIT nang matapos ang buwan ng Abril kaya asahan na ang kanya-kanyang pakulo sa ating Inang Bayan bilang paghahanda sa darating na eleksyon sa susunod na taon.
Kahapon ay may nakausap akong tao na muling sasabak sa halalan bilang alkalde ng isang munisipyo sa lalawigan ng Laguna. Aniya, hindi siya pwedeng gibain ng kahit sinong kandidato roon.
Alam ba ninyo kung bakit? Lahat aniya ng politiko roon ay hindi mananalo kung hindi ito magmamano kay alyas ‘Don Ramon’ na taga-Laguna pero may negosyo rin daw hanggang lalawigan ng Quezon.
Mantakin ninyo iyan! Isang hikahos na munisipyo lamang pero kailangan pang magmano kung kani-kanino tulad ni Don Ramon upang magwagi sa halalan.
Masiglang-masigla raw ang jueteng sa Laguna!
Mainit na raw ang usapin ng eleksyon doon. Mayroon na nga raw namutok doon pero maswerte naman dahil hindi nasakote ang namutok. Hindi talaga masasakote ‘pag ayaw ng Chief-of-Police.
Sa Laguna iyon ha, e ‘di lalo pa kaya sa mga mayayamang siyudad o lalawigan tulad ng Metro Manila. Aba’y lalo naman siyempre ang bakbakan para sa susunod na Pangulo ng bansa.
Sa ngayon, karkula ko’y kanya-kanya muna sa paghanap ng pinansyer gaya kay Don Ramon. Pero itaga ninyo sa bato, mula buwan ng Mayo ay lalo pang iinit ang usapin sa eleksyon.
Gaya ng dati, babaha na naman ng salapi sa ating bansa. Ganyan madalas kapag panahon ng halalan kaya nakabantay ang Bangko Sentral ng Pilipinas para ayusin ang daloy ng salapi sa merkado.
Matagal nang nagsisimula ang bakbakan sa nasyonal na eleksyon kaya nga may isyu ng pandarambong ang mga Binay. Susunod na ang gibaan sa lokal na eleksyon – mas magulo at delikado pero hindi masyadong napapansin.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
