HALOS buong Mindanao ang nasisiraan ng palay ngayon dahil sa matinding tag-init na may kakambal na El Niño.
Nasa 28,000 ektarya nang palayan, maisan at gulayan sa Sultan Kudarat, Maguindanao, South Cotabato, North Cotabato, Saranggani, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Compostela Valley, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur, Davao Occidental at General Santos.
Sabi ng gobyerno, mahigit nang P300-milyon ang halaga ng palay ang nasira at palaki pa nang palaki pa ang pinsala.
Sa sitwasyong ito, dapat tayong mabahala.
MILYONG KATAO
Nakababahala ang sitwasyong ganito dahil sa pinsalang idinudulot nito sa mga mamamayan.
Tiyak na milyong tao ang apektado niyan, kabilang na ang mga magsasaka mismo.
‘Yun bang kukulangin na ang suplay ng bigas sa lugar, nagkakandalugi-lugi pa ang mga magsasaka.
Magbubunga naman ito ng pagmamahal ng bigas na mamiminsala sa lahat at magdodoble naman ang gastos ng mga magsasaka… kung gusto pa nilang magtanim ulit.
AKSYON NG GOBYERNO
Batay sa mga ulat, mga Bro, umaaksyon naman ang gobyerno.
Dapat lang.
Sabi, namimigay raw ang gobyerno ng mga butil para itanim ng mga magsasaka.
Mayroon din daw mga makinarya gaya ng mga water pump para sa patubig.
Ang tanong: kumpleto ba ang tulong ng gobyerno para sa buong proseso ng pagtatanim hanggang sa pag-aani?
Halimbawa, tiyak na marami sa mga magsasaka ang nalubog sa utang para sa pagtatanim ng mga nasirang pananim.
Mayroon bang ayuda rito ang gobyerno para muling makapagtanim sila?
Imadyinin ninyo ito: Sa pagpapatubig lang ng palayan mula sa muling pagbubungkal ng lupa hanggang sa magkabutil ang mga palay tungo sa anihan, sandamukal na gastos sa petrolyo ang kinakailangan diyan.
Mayroon bang ayuda rito ang pamahalaan at paano ang katotohanang kinakain lang ng petrolyo ang halaga ng kabuuang ani ng mga magsasaka na nagdedepende sa water pump?
NFA RICE
Sabi naman ng ilang taga-National Food Authority, kung papalpak ang produksyon ng palay dahil sa pag-ayaw ng mga magsasaka na muling magtanim dahil sa laki ng gastos sa produksyon na nakabase sa diesel at gasoline, mayroon namang remedyo.
Palalaganapin nila ang bigas-NFA na mas mura kaysa commercial rice at maituturing pa ring aksyon ng pamahalaan.
Mamimili ang mga tao sa NFA rice na may presyong P27 at P32 kada kilo laban sa commercial rice na may Presyong P35-40 pataas.
Bongga ang NFA rice at gagaan ang bulsa at bituka ng mga mamamayan, sabi.
Pero paano ang mga nawalan ng pambili ng bigas dahil nasira nga ang kanilang ani? At paano ang katotohanang ang commercial rice ay galing din sa NFA dahil sa pagbebenta ng NFA nang bultuhan sa mga rice trader?
RICE SELF-SUFFICIENCY
Ang minamatyagan nating aksyon ng gobyerno, mga Bro, ay ang para sa rice sufficiency o sapat na produksyon ng bigas hindi lang para sa isang bahagi ng bansa, gaya sa Mindanao, kundi para sa buong bansa.
Ibig-sabihin nito, hindi natin kailangang mag-angkat ng bigas kung makapag-aani na tayo ng sapat.
Very good ‘yan!
Pero nasaan na ang programang ito?
PINAKAMALAKING RICE IMPORTER
Ang totoo, pinalalawak pa ng gobyerno ang tingin nito kung saan pa makabili ang Pinas ng bigas sa labas.
Hindi na lang Vietnam, Thailand at Cambodia ang pag-iimportan nito kundi Pakistan, India, Myanmar at iba pa.
Noong 2011, sinabi ng gobyernong Aquino na sa 2014, mag-e-export na tayo ng bigas.
Pero, anak ng tokwa, hanggang ngayon, maituturing pa rin tayong isa sa pinakamalaking rice importer sa mundo.
ANO ANG MGA PROBLEMA?
Siyempre pa, ang daming sinasabi ng gobyerno na mga remedyo sa problema.
Pero kung hindi man kulang, palpak naman. Halimbawa sa mga napakalaking problema ang paliit nang paliit na sakahan.
Mismo ang Department of Agriculture ang nagsasabing may mahigit sa dalawang milyong ektarya na puro palay lang ang itinatanim at mayroon namang 1.5M ektarayang maisan at palayan.
Inuubos ng mga subdibisyon, pabrika at iba pa ang mga sakahan.
Napakaliit na nga ang sakahan, marami pang depektibong irigasyon at nagpapatubig lang ang marami sa mga ito sa tag-ulan na hindi na kailangan ng mga magsasaka. Ano ba ‘yan?
Wala bang balak ang pamahalaan na palawakin ang mga sakahan, pagbawalan ang mga land conversion at lumikha ng sapat na irigasyon, to name a few na mga remedyo sa kakulangan ng bigas?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA