MAHIGIT isang taon pa, subalit ngayon pa lang ramdam na ang unti-unting pag-iinit ng politika sa lungsod ng Caloocan.
Bakit kanyo? Aba’y ngayon pa lang kasi, kung ano-anong isyu na ang ibinabato laban kay Mayor Oca Malapitan.
Pero kahit araw-araw ang gagawing paninira, hindi matitinag ang kabanguhan ng butihing alkalde sa mga taga-Caloocan.
‘Working mayor’ si Mayor Oca. At ang accomplishment niya ang makapagsasabi na siya’y magaling na punong-lungsod.
Sa panahon niya nakita ang unti-unting pagbabalik ng Caloocan sa dati nitong ‘spot’ kung ang pag-uusapan ay kaunlaran.
Noong Marcos era, ang Caloocan ang pinakasikat dahil sa rami ng namumuhunan, ngunit sa pagdaan ng panahon nakuha ito ng ibang mga lungsod.
Subalit mula nang si Mayor Oca ang alkalde, nagkaroon ng kumpiyansa ang mga investor kaya bumabalik para magnegosyo sa lungsod.
Dahil dumarami ang negosyo, lumalaki ang koleksyon sa amilyar kaya naipagagawa ng administrasyong Malapitan ang mga programa’t proyekto.
Naipagawa ang maraming infra project, tulad ng dalawang gusali ng Malabon City University at susunod na ang bagong city hall.
Sa rami ng magagandang nagawa ni Mayor Oca, hindi magkakasya ang ating ispasyo kung ito’y isa-isa nating babanggitin.
Ngayon, sino ang maglalakas-loob na tumakbo sa pagka-alkalde sa Caloocan sa May 2016 election?
Pakiwari natin, ‘political suicide’ sa panig ng mga politiko na nais bumangga kay Mayor Oca sa darating na eleksyon.
HAMON KAY NBI DIR. MENDEZ
Marami ang nag-react sa tinalakay nating online sabong.
Pero ang tumatak sa atin ay ang rebelasyon ng ilan na kinukunsinti ng National Bureau of Investigation ang operasyon ng online sabong.
Kwento nila sa Chokepoint, isang mataas na opisyal ng National Bureau of Investigation ang conduit ng mga online operator na gamit ang internet sa pagpapanood ng live sabong.
Hamon natin kay NBI Dir. Mendez, alamin niya kung sino ang NBI official na kapit umano ng mga online sabong maintainer.
Kailangang kumilos si Dir. Mendez para hindi siya pagdudahan na alam niya ang ginagawa ng nasabing NBI official.
Suhestyon natin sa magaling na NBI head, imbestigahan din niya ang ‘Sabong Tayo.Com’ sa Batangas na madalas makita ang tinutukoy na NBI official.
Abangan natin ang aksyon ni Dir. Mendez. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO