KUNG prostitusyon din lang ang pag-uusapan sa Pasay City ay walang ibang dapat sisihin kundi ang alkalde, iyan ang mariing banggit ng taga-Pasay City Hall.
Ito’y dahil kung talagang ayaw ni Mayor Calixto, Jr. ang prostitusyon, titigil ang mga hinayupak na mga club na ‘yan, saad ng taga-city hall. Pero, kung aprubado o binabalewala ni Mayor Calixto, tuloy ang prostitusyon sa Pasay!
Sabi pa ng taga-city hall, matagal na ang prostitusyon sa Pasay, pero hindi nawawala dahil pinagkakakitaan na lang nila ‘yang mga club (labas pa sa business permit na ligal ang kita).
Sabi pa niya, imposibleng hindi alam ni Mayor Calixto na ang mga club tulad ng XTD KTV, Bachelor’s Mansion, Miss Universe, E. A. Int’l, at iba pa ay nag-aalok sa mga parokyano nito ng mga batam-batang babae, na animo’y estudyante sa kolehiyo pa lamang.
Si Business Permit and Licensing Office Boyet del Rosario nga ay alam na alam niya, lalo na ang XTD KTV at Bachelor’s Mansion, si Mayor Calixto pa kaya?
Saad ng taga-city hall. Hindi naman isinilang kahapon si Mayor Calixto, ‘di ba?!, diin pa ng taga-city hall.
LIGAL PALA ANG NEGOSYO SA P. GIL ST.
Si Atty. Fortune O. Mayuga, hepe ng Bureau of Permits (BP) ay nag-isyu ng business permit sa gilid ng kalsada ng Pedro Gil St. Dahil dito kumikita ang pamahalaang lungsod bawat buwan.
Ang organisador nito ay isang Muslim na si Datumanong.
Ang malinaw, batay sa Affidavit of Denial ni Brgy. 694 Chairwoman Vivian Liquiran, walang kinalaman dito sina Major Bernabe Irinco, Jr., Capt. Jaime de Pedro, at Col. Jude Estrada. Samakatuwid, hindi sila kumikita.
Sabi naman ni Kgwd. Myrna, kahit kailan ‘di pa pumasok sina Irinco, De Pedro at Estrada, kaya nagulat siyang nabanggit ang ngalan nila ng mga nagrereklamong vendor. Sabi pa rin ni Myrna, wala silang kinalaman ni Liquiran dito.
HINDI OK SI “POGI” ESPINO
Hindi porke okey na gobernador si Amado Espino, Jr. ng Pangasinan ay awtomatikong magiging mahusay na ring gobernador ang anak niyang si Bokal Amado “Pogi” Espino, III.
Kalokohan kung awtomatikong magaling na gobernador si Bokal “Pogi” Espino. Hindi pa rin nga natin alam kung mananalo si Bokal Pogi.
Wala rin tayong binabanggit na ayos si Ex-Rep. Mark Cojuangco na maging gobernador ng Pangasinan dahil hindi rin naman mahusay ang nagawa niya sa Kongreso noong nakaupo pa siya.
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
