NOONG isang araw ay inabutan ako ng isang leaflet ni Atty. Glen Zaragoza, ang Regional Director for Region I ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang leaflet o flyer ay tungkol sa mga tourist destination sa buong Region 1.
May impormasyon sa magagandang beaches, mga historical site, restaurant, at lahat ng mga kailangang malaman ng mga turista kung sakali at mapili nila na ilagay sa kanilang “gala-schedule” ang mga tourists spot sa Region 1.
Very engaging ang information campaign na ito, may mga instruction pa kung paano makararating ang mga turista sa mga magagandang tanawin sa rehiyon by land.
Siguro ay sagot ito sa deklarasyon ng gobyerno na ang 2015 ay tatawaging Visit Philippines year. Napakalaki ng potensyal ng ating bansa na makuha ang pinakamalaking bahagi ng pandaigdigang turismo.
Napakaganda naman kasi ng Pilipinas at marami ang gusto talagang pumasyal sa bansa natin.
Pero ang flyer na inabot sa akin ni Atty. Zaragoza ay mas mahalaga dahil ang iniimbita nito ay mga local tourist, tayong lahat mga kababayan ko, para galugarin ang buong bansa at mismong tayo ay mag-enjoy sa biyaya ng ating kalikasan.
Tumakbo tuloy ang aking isipan sa kung paano pa maitutulak nang husto ang kampanya ng Region 1.
Una, makatutulong ang mga public transportation mismo – hindi lang sa Region 1 kundi sa lahat ng lugar sa Pilipinas.
Makatatulong sa promotion, pwedeng maglagay ng mga advertisement sa katawan ng bus at mamigay ng mga information material ang mga konduktor.
Malaki rin ang impluwensya ng social media dahil pwedeng i-post o i-tweet ang mga magagandang lugar na napuntahan natin para maengganyo rin ang iba na pumunta.
Pwedeng makipagtambalan ang mga government agency tulad halimbawa ng Department of Tourism (DOT) o Department of Transportation and Communication (DOTC) sa mga private sector tulad ng media at mga transport operator para mas sumikat ang mga local tour destination at mas ma-inspire ang mga Pinoy na magbiyahe.
Tara na! Planuhin ang “gala-sched”! Mamasyal tayo sa ating bayan! Mae-enjoy natin ang magagandang tanawin at makatutulong pa tayo sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapalago natin sa ating turismo.
o0o
Mag-email ng inyong reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON


