KUNG hindi man kayang suportahan ng gobyerno ang misyon ng Sultanate of Sulu na pagbawi sa Sabah, sana hindi na lang sila sumang-ayon sa pahayag ng Malaysia na terorista ang mga ito.
Para hindi gaanong mahalata na talagang hinuhudas mo ang iyong sariling lahi dahil panig ka sa Malaysia!
Nang matanto, parekoy, ng Palasyo ang masamang epekto ng kanilang pahayag ay biglang bawi si DFA Sec. Albert Del Rosario na kesyo ang sinang-ayunan niya na terorista ay hindi ang “royal army” ng Sultanato kundi ang brutal na pamamaslang nila sa mga Malaysian police.
Bakit, Mr. Secretary, nasaksihan mo ba ang pangyayari?
Nakita mo ba ang mga bangkay na sinasabing pinugutan?
O parang wala kang bait sa sarili na basta na lang naniwala sa sinasabi ng pamahalaan ng letseng Malaysia?
Mga palusot:
Nang mabisto na nakatatlong sulat na pala si Sultan Kiram sa Palasyo, biglang umentra na naman si Sec. Del Rosario na kesyo sa kanila napunta ang sulat at DFA ang nagbalewala kaya siya ang umaako.
Bakit niya inaako ang kamalian gayong hindi pa naman siya ang DFA Sec. noon?
Bakit sa kanila napunta ang sulat na ipinadala sa Palasyo?
Ang palusot muli? Dahil ang DFA ang office na concerned sa isyu, kaya ipinasa roon ng hindi man lang binasa. Tsk, tsk, tsk!
Upang mapagtakpan ang magkakasunod na kapalpakan sa Sabah at mailihis ang usapan, agad inilabas ng Palasyo ang NBI report tungkol sa Atimonan, Quezon massacre.
Kesyo ngayon lang natapos ni PNoy ang pag-review ng napakaraming dokumento kaya ngayon lang ito inilabas.
Ha? Ibig sabihin, parekoy, habang nagkakagulo sa Sabah ay abala naman si PNoy sa pag-review sa NBI report?
Kung ako ang Pangulo, mas mahalagang pag-ukulan ko ng kumpletong oras ang kaguluhan sa Sabah. ‘Yang NBI report ay ipauubaya ko na sa DOJ tutal daraan pa naman sa preliminary investigation!
Sandali, parekoy, ang isang pahinang sulat nga pala ni Sultan Kiram na patungkol sa soberenya ng bansa at ngayon ay nagresulta sa napakaraming namatay ay agad ipinasa sa DFA nang hindi man lang binasa ng ating Pangulo?
Bakit ang NBI report na napakakapal na dokumento ay pinagtiyagaang basahin gayong galing na ito sa concerned na agency, ang DOJ? Hmp!
