PAALIS dapat ako papuntang Indonesia noong April 22 para dumalo sa isang mahalagang pagtitipon. Ito ang kwento ko.
Naghahanda na umalis ang eroplanong maghahatid sana sa amin sa Singapore, nakasakay na lahat ng pasahero.
Lumipas ang mahabang tatlong oras ng paghihintay sa loob ng eroplano nang biglang sinabihan kami ng crew na may technical problem daw at pinababa kaming lahat. Walang malinaw na paliwanag ang mga taga-Cathay Pacific.
Nakita ko ang inconvenience na dulot sa mga pasahero.
May isang seaman na na-miss ang barkong sasakyan niya na nakadaong sa New York dahil hindi kami nakaalis ng Pilipinas at walang ibang biyahe na maibigay para sa kanya.
May pamilya na nasayang ang booking sa hotel para sa bakasyon sana nila dahil walang tiyak ang Cathay kung makaaalis kami noong araw na ‘yun.
May mga OFW na nag-aalala dahil hindi maiintindihan ng kanilang mga employer ang delay na dulot ng nakanselang flight – CX906.
Ang mahigit 300 na pasahero ay may kanya-kanyang kwento kung paano naabala ng Cathay Pacific ang kanilang buhay.
At dahil walang kasiguruhan kung may masasakyan pa kami noong araw na ‘yun, na-miss ko na rin ang aking meeting sa Surabaya.
Nagtanong-tanong ako para maintindihan kung sino ang may pagkukulang.
Napag-alaman ko na ang eroplano pala ng Cathay na dapat sinakyan namin ay nanggaling sa HKG at may nakapagsabi na mula pa sa HKG papuntang Pilipinas ay nagkaproblema na ang eroplano. May mali raw sa communication system ng eroplano at alam na ito bago pa lumipad mula sa HKG papuntang PH.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi na-clear ng aviation authority ng Pilipinas ang aming flight papunta sanang Singapore.
Ang dami kong tanong! May problema na sa HKG, bakit pinayagan pang makaalis doon?
Alam na ng Cathay ang suliranin, pero tatlong oras kaming pinaghintay at hindi nagawan ng paraan na makalipad kami sa ibang eroplano. Ang daming naperwisyo.
Kung nakalusot sa HKG, sinubukan din ba na makalusot sa awtoridad ng Pinas kaya pinasakay na kami?
Hindi rito natatapos ang kwento ko.
Mahalagang malaman nating mga pasahero kung totoo ang nakalap kong kwento.
Abangan sa susunod na isyu. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON