PATALBUGAN ng mga nagawa bilang Ama ng Lungsod ang magiging puhunan ng tatlong magiging kandidato bilang susunod na Pangulo ng bansa sa darating na Eleksyon 2016.
Ito ang napakagandang laban sakaling pagbigyan ni dating Quezon City Mayor at ngayo’y House Speaker Sonny Belmonte ang hiling ng iba’t ibang sektor na lumahok ito sa susunod na halalan bilang susunod na Presidente.
Sa ngayon ay nanguguna sa listahan itong si dating Makati City Mayor, Bise-Presidente Jejomar Binay habang sumusunod naman itong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Kung pagiging City Mayor din lang ang magiging sukatan, aba’y malayung-malayo itong sina Binay at Duterte sa tinaguriang ‘Serbisyong Bayan’ ng Pinas na si Belmonte.
Sa Makati City ay hindi problema ang salapi roon dahil dati nang ‘Financial District’ ang lungsod kahit wala pa itong si Binay. Kakaunti rin ang kanilang populasyon kung ihahambing sa Quezon City.
Sa balwarte naman ni Duterte ay mas kilala itong malupit sa mga kriminal kaya tahimik daw sa Davao City pero maliit lamang ang siyudad na ito kung ihahambing sa Quezon City.
Nang maupo si Belmonte bilang City Mayor ng Quezon City noong Hulyo 2001 ay lubog ito sa kumunoy ng utang pero makaraan lamang ang isang taon ay ito na ang pinakamayamang lungsod sa buong bansa.
Napanatili nito ang parangal na ito habang City Mayor si Belmonte hanggang sa matapos ang kanyang termino noong Hunyo 2010. Walang utang ang Quezon City. Pero ang Makati City ay mayroong utang!
Bagaman napakalaki ng lungsod gayundin ang kanyang populasyon ay napanatili ang katahimikan at kaayusan sa lugar sa panahon ni Belmonte.
Hindi na kailangan pang maghasik ng takot tulad sa Davao City.
Kaya kung pagiging Mayor din lang ang pagbabasehan, aba’y kay Belmonte na tayo sa Eleksiyon 2016. Walang takutan na kailangan at wala rin kontrobersiyal na parking building. Belmonte na, para sa Bayan!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D