ANG Pinoy mahilig kumain. Sa kultura natin, kapag may salo-salo, dapat laging espesyal ang handa sa hapag-kainan.
Kahit anong okasyon, pagkain ang sentro ng umpukan ng mga Pinoy.
Kapag dadalaw ka sa bahay ng isang pamilyang Pinoy, ang tanong lagi – kumain ka na?
O kaya ang alok – kain tayo! Kaya hindi nakapagtataka na isa sa mga “come on” sa mga tourists area ay ‘yung mga espesyal na pagkain na alok ng nasabing lugar.
Kahapon lang sa isang pahayagan, pinag-usapan ang Aurora sa Quezon at ang masarap na specialty ng lugar na sweet delicacies na ang tawag ay “pakumbo” at “suman”.
Siyempre pupunta ka sa Aurora para sa magagandang tanawin ng lugar pero hahanap ka rin ng masarap na pagkain na ipinagmamalaki roon. Kaya ang mga local tourist ay madaling maanyayahan sa lugar kung may masarap na pagkain.
Naalala ko kung gaano kasarap ang sansrival sa Dumaguete; ang walang kasingsarap na ensaymada na may lamang yema sa Davao. ‘Di nga ba sa Bohol, hari ang kalamay at peanut kisses?
Sa Tagaytay lang, eh, darayuhin mo na para lang sa bulalo, at sa Mindoro, ang original na “goto” na hindi lugaw, at iba pang masasarap na lutuing kambing gaya ng “sampayne.”
Hindi ako masyadong expert sa pagkain pero sa tuwing mapupunta ako sa isang lugar sa Pilipinas, ang una talagang iniaalok ng mga host ko sa akin ay kung ano ang specialty na pagkain sa lugar nila.
Pwede nating tawaging “food tourism”, para pangsuporta sa ating industriya ng turismo.
Huwag na akong lumayo, ngayo’y unti-unting sumisikat ang Maginhawa St. sa Quezon City dahil nagiging puntahan ng mga food tripper.
‘Yung tipong maglalakad ka lang sa kalyeng ito, iba’t ibang klase na ng mga espesyal na pagkain ang maiaalok sa ‘yo.
Gabi-gabi ay puno na ng tao ang Maginhawa.
Kakumpitensya na ito ng Matalino St. na dati nang gimikan ng mga kabataan.
Nabubuhay ang mga kalyeng ‘to, nagiging aktibo ang ekonomiya ng komunidad dito dahil sa tawag ng masasarap na pagkain.
I-push na natin ang food tourism!
***
Mag-email ng inyong reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178174748. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON