NGAYON ay ilantad naman natin ang mga listahan ng mga bookies ng karera at iba pang mga iligal na pasugalan na naka-umbrella (naka-payong) kay PO1 Presnedi, na mas kilala sa alyas Pacnoy.
Hindi ko lang alam kung sa MPD-District Headquarters Support Unit (DHSU) pa naka-detail si PO1 Presnedi.
Ganunpaman, ang DHSU ay ang unit na tapunan ng mga bulok na pulis na kung saan ang parusa ng mga ito’y ang pagbabantay ng gate sa HQ.
Karamihan kasi sa mga pulis na natatapon sa unit na ito ay ‘yung mga lespung ginagamit ang kanilang mga tsapa at uniporme sa mga ‘iligal-raket’ gaya ng pasugalan, drugs, kidnapping, carnapping at iba pa.
Pero ibang klase si Pacnoy sa lahat ng mga pulis na naitapon sa unit na ito.
Bakit kanyo? Sa lahat kasi ng itinapon sa unit na ito, tanging si PO1 Presnedi lang ang kumikita sa pagiging bantay-saludo-gate nito.
Biruin n’yo, sa pagbabantay lang niya sa gate ng HQ ay isa-isa niyang nakukumbinsi ang mga nagpupuntang small-time bookies operator na umambrella sa kanya.
Matindi, ‘di po ba?
Kaya naman ang mga small-time na ito’y napipilitan na umambrella sa kanya para makaiwas sa mga huli at gastos, na lingid sa kanila ay kumikita pa si PO1 Presnedi sa mga ibinibigay nilang timbre.
Kung sino ang mga operator na ito, eto po sila: Gabo, Edna, Obeth, Pingke, Emily, Orling Pilay, Billy, Flor, Moneth Tomboy, Lito de Guzman, Devorah, Boni Abad, Susan at Lanie na dating kay Ver.
Kailan pa kaya titino ang mga pulis kung may mga pulis na gaya ni PO1 Presnedi na mismo ang superior niya’y ‘di siya kayang patinuhin at disiplinahin bilang alagad ng batas?
Ano kaya ang masasabi rito ni Napolcom Vice Chair Ed Escueta.
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA