HABANG lumalakad ang panahon, lumalamig yata ang pagkilos ng gobyerno laban sa mga sangkot sa maanomalyang Priority Development Assistance Fund.
Taon-taon, hanggang idineklarang labag sa Konstitusyon ang PDAF, halagang P24-bilyon sa pondong ito ang nilulustay at ibinubulsa ng mga senador at kongresman, sa basbas ng mga taga-Malakanyang.
1ST, 2NG BATCH
Bilib na bilib tayo sa gobyerno noong una.
Ang first batch o unang sinampolan ng mga kaso sa PDAF ay tatlong senador na ngayo’y kilala ng lahat.
Sumunod ang second batch at kabilang dito ang isang dating kongresman at ex-Komisyoner ng Bureau of Customs.
Matapos nito, sinabing susunod na rin ang third batch pero dumaan ang mga araw at buwan, walang nai-file na kaso sa Ombudsman o hukuman.
Nitong huli, hindi na umano magsasampa ng kaso rito ang gobyerno dahil marami pa umanong aasikasuhin na maituturing na mas mahalaga kaysa sa mga kaso ng PDAF.
TAMA ANG KATWIRAN
Tama naman ang sinasabi ng Department of Justice sa pagsasabing hindi nagtutugma-tugma ang mga pirma ng mga mambabatas sa mga pirma na ginamit sa mga anomalya sa PDAF sa kaso ng mga nasa 3rd batch.
At ito ang dahilan kung bakit hindi madaling masampahan ng kaso ang sinomang suspek sa korapsyon o pandarambong.
‘Pag kasong kriminal kasi ang pag-uusapan at ganito naman talagang kaso ang mga kaugnay sa PDAF sa anyo ng pandarambong at katiwalian o korapsyon, kailangan ang proof beyond reasonable doubt para mapatunayang nagkasala ang akusado.
Ibig-sabihin, kailangan ang mga tiyak at hindi mapasusubaliang ebidensya laban sa akusado para ma-convict o mapatunayang nagkasala ito.
Relevant, pertinent at incontrovertible evidence ang tawag sa mga ebidensya.
Pero kung may pagdududa sa mga ebidensya at kung ganoon ang akusasyon, malamang na lalaya ang akusado.
DUDA SA KATWIRAN
Say naman ng ating Uzi, mga Bro, hindi kaya may gustong pagtakpan ang gobyerno?
Kasi naman, dumarami na ang mga kaalyado ng Malakanyang na masasagasaan ng sinasabing batch na sasampahan ng mga kaso.
O kaya’y mayroon nang kinatatakutan ang gobyerno na sampahan ng kaso.
Isa pa, hindi kaya lilikha ng maraming kaaway ang administrasyong Aquino at magkakaroon ito ng masamang bunga pagdating ng halalang 2016?
Sabi ng ating Uzi, mga Bro, halos kasing walang matitira sa 180 kongresman at 20 senador na pumirma sa impeachment ni ex-Chief Justice Renato Corona.
Eh, manggagaling sa mga ito ang napakalaking bilang ng boto na inaasahan ng Palasyo sa mga kandidato nito na Pangulo, Pangalawang Pangulo at senador at kongresman sa 2016.
Lalabas na magiging walang kakampi na malalakas na politiko sina PNoy at mga kandidato nito kung mauubos at maipakukulong ng Tuwid na Daan ang mga kongresman at senador na naligaw o naiba ang daan.
MAY DAGDAG PA
Heto pa ang dapat na isipin.
Bukod sa pagkaubos ng mga kaalyado ng Malakanyang sa mga kasong PDAF, lalong sasama ang imahe ng administrasyon ngayon.
Kapag lalabas kasi na ang mga kaalyado na ng Malakanyang ang bumubuo ng 3rd batch, lalong babantot ang napakabantot nang singaw ng katawan ng administrasyong ito.
Heto pa ang masama.
Anak ng tokwa, dumarami ang mga natatagpuan ng Commission on Audit na kalokohan sa Tuwid na Daan. At sila pang mga malalapit sa Pangulo ang tinatamaan.
P14B SA DA; P1.14B-OPAPP
Kabilang sa lalong nagpapaantot sa amoy korapsyon at pandarambong na Malakanyang ang mga natagpuang anomalya ng Commission on Audit, halimbawa, sa Department of Agriculture at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.
Tila puno ng iskam ang P14B pondo ng DA at P1.14B pondo ng OPAP, ayon sa COA.
Pwera pa ang bagong tuklas ng COA na may iskam din sa P670M PDAF at Disbursement Acceleration Program para sa mga taga-Mindanao.
RESIGNASYON
Bukod sa mga pinagsasasabi ng COA, mga Bro, nandiyan din ang mga pagdadaldal ng mga nag-resign na KKK ni PNoy.
Halimbawa ang pinagsasabi ni John Philip Sevilla na galing sa Bureau of Customs.
Anak ng pitong putakte, mga kasangga ni PNoy ang mismo ang nakikialam sa BOC. Para ano, para sa korapsyon o pag-iipon ng BOC ng campaign fund ng Liberal Party?
Nagtatanong lang po.
Bahala na kayo, mga Bro, na mag-isip kung ano-ano ba talaga ang mga iskor dito at bahala na kayong magdesisyon sa halalang 2016.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA