BIGO si Manny Pacquiao na talunin si Floyd Mayweather, Jr. sa tinaguriang “Fight of the Century.”
Ito Ang Totoo: ang kabiguan ni Pacquiao ay kabiguan ng lahat ng Pinoy.
Yakap-takbo ang ginawa ni Mayweather na may manaka-nakang suntok na marami namang dumapo sa Pambansang Kamao.
Tila desperado si Pacquiao dahil hindi lumalaban si Mayweather sa inaasahang istilo kaya ang mga suntok nito, ni Pacquiao, na mas konti ay kokonti rin ang dumapo sa kalaban.
Galit ang marami sa resulta, hindi lamang mga Pinoy kundi pati mga Amerikano, mapaputi o Negro, at iba’t ibang lahi sa buong mundo dahil ang daan-daang milyong dolyares na “Fight of the Century” ay hindi kaaya-aya sa mga “fan” at manonood, ‘di bale na ang mga natalo sa pustahan.
Hindi nadiskartehan ni Pacquiao ang naging istilo ni Mayweather kaya mas maraming suntok si Mayweather na dumapo kumpara sa kanya.
Ibig-sabihin, naisahan talaga si Pacquiao ni Mayweather na kahit walang kwenta para sa atin ang istilo ay walang duda namang naging napakaepektibo.
Ito Ang Totoo: walang masisisi si Pacquiao sa nangyari kundi ang kanyang sarili.
Pero marami nang naibigay na dangal sa bansa at lahing Filipino si Pacquiao kaya pwede na nating palampasin ang kakulangan niya sa laban kay Mayweather.
Iyon nga lang, talagang sayang. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
