ANG pamilya ko’y isa sa mga customer ng Jollibee, lalo na ang bunso kong paborito ang Jollibee. Nakasasawa na nga dahil tuwing kakain kami sa labas ay Jollibee ang gustong puntahan.
Kaya naman, sa pamamagitan ng kolum ng inyong lingkod ay hangad nating ipakita ang malasakit sa Jollibee at maging sa Chowking para hindi naman tuluyang mabawasan ang customer nila.
Kailangan nang huwag balewalain ang depektibong C.R. ng sangay ng Jollibee/Chowking sa Pasay Rotonda. Kailangan na itong ipaayos bilang pagpapakitang serbisyo, kalinisan at tunay na pagmamahal at malasakit sa mga customer ng Jollibee at Chowking na pawang nakabatay sa Total Quality Management.
Kahit saang anggulo tingnan, mali na mayroong diperensya ang C.R. tapos pagkain ang produkto ng isang establisimyento. Hindi ganito ang itinuturo ng TQM.
ANO ANG MAS MALAKING PROBLEMA SA JOLLIBEE PASIG?
Obligado rin ang pamunuan ng Jollibee sa Simbahan ng Pasig na kahit maliit lang na bahagi ng C.R. ang depektibo ay ipagawa na upang hindi na lumalala. Huwag nang idaan sa pagbalot ng itim na plastic ang mga depektibong ihian.
Sa totoo lang, matagal ko nang napapansin ang itim na plastic na nakabalot sa isa o dalawa yatang ihian ng sangay ng Jollibee sa Simbahan ng Pasig.
Ibig-sabihin, hindi muna ipinagagawa kasi mayroon pa namang maiihian.
Habang hindi pa malala ay dapat lang na ipagawa na ng pamunuan ng sangay ng Jollibee Simbahan ng Pasig ang mga may deperensyang ihian sapagkat nararapat lang na malinis, maayos, at mabango ang buong estabilisimyento dahil nga pagkain ang produkto ng Jollibee.
Ang depektibong ihian sa Jollibee Pasig Simbahan ay isa lang sa mas malaking problema ng nasabing sangay ng Jollibee.
Kapag sarado na ang nasabing sangay, ang mga crew ay makikitang naglilimas ng dumi mula sa drainage na nasa labas lang ng Jollibee Pasig Simbahan at inilalagay ang nalimas na dumi sa malalaking garbage plastic bag.
Wala namang masama sa ginagawa ng mga empleyado ng Jollibee, lalo pa’t ang kanilang paglilimas ay sarado na ang Jollibee.
Ang ipinagtataka ko ay bakit madalas maglimas ng drainage ang mga empleyado ng Jollibee Simbahan. Ano ang problema?
Ano ang mas malaking depekto sa sangay ng Jollibee Simbahan?
Kawawa naman ang mga empleyado ng Jollibee Pasig Simbahan.
ALAMIN KUNG TOTOO ANG REKLAMO NG CUSTOMER
Ayon sa isang texter, mayroon din daw diperensya ang C.R. ng Jollibee at Chowking sa Pangasinan: Manaog, Dagupan, Calasiao at Mangaldan.
Hindi ko na po muna ilalabas dito ang palpak na serbisyo ng ilang empleyado para ang pokus ng pinag-uusapan natin dito ay ukol lang sa depektibong ihian sa ilang sangay ng Jollibee at Chowking ay mabigyan ng kaukulang pansin.
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
