TULALA pa sa sobrang sindak ang ating mga kababayan na nagsiuwi sa Pinas mula sa bansang Malaysia.
Halos iisa ang kanilang pahayag, walang pinipili ang Malaysian police, lahat ng Pinoy ngayon sa Sabah ay itinuturing na parang hayop!
Kahit ang matatagal nang naninirahan doon at dokumentado, basta Pinoy ka ay ituturing kang hayop!
Patatakbuhin ang kalalakihan at saka babarilin, ang ayaw namang tumakbo dahil hindi naman ka-grupo ng mga Kiram ay ikukulong ngunit hindi nila pinakakain!
Nasa Mindanao ngayon, parekoy, itong mga kababayan natin na biktima ng kabuhungan ng mga hijo de putang Malaysian police.
Kumbaga, may ebidensya tayo, parekoy, at buhay na mga testigo na magpapatunay kung paano sila itinuring na parang hayop doon sa Sabah. Pero may hakbang na ba ang ating pamahalaan?
Kung sa problema ng mga Kiram ay may katwiran ang Palasyo na hindi aayuda dahil ‘ika nila ay mali ang Sultanato, siguro naman dito sa pagturing ng Malaysian police na mistulang hayop sa ating mga kababayan ay dapat nang magpakita si PNoy ng tunay na malasakit sa kanyang mga boss na inapi!
Dahil kung patuloy niyang hahayaan ang kahayupang ito ay hindi lang pagpapakita ng takot sa Malaysia, higit sa lahat, baka mag-isip ang ating mga kababayan na mas pinapaboran pa ng ating pamahalaan ang bansang Malaysia!
Babalikan lang natin, parekoy, ang kaso ng demonyong si Arman Amalilio na matapos dugasin ang milyones ng ating mga kababayan ay tumakas papuntang Malaysia.
At dahil may matataas na opisyal pala roon na kamag-anak ang hinayupak ay wala tayong nagawa na kunin doon si Amalilio para papanagutin sa kanyang ginawa rito.
Hindi ba maliwanag na panggagago ‘yan sa atin?
Umakto pang “peace negotiator” ang mga lintek sa usapin ng MILF at Aquino government dahil daw “peace loving” sila pero itinuturing nilang hayop ang ating mga kababayan!
Pwe talaga! Huh!
Mahal na Pangulong Aquino, sana patunayan mo na ‘di totoo ang bintang ng mga Kiram at ni MNLF Chairman Nur Misuari na kasabwat ang iyong pamahalaan ng Malaysia.
Ngayo’y inaasahan ng ating mga kababayan na kondenahin mo ang pang-aapi ng Malaysia sa mga Pinoy!