MARAMI na ring mga Filipino ang namatay at mamamatay pa sa ibang bansa dahil sa kaso ng droga pero bakit patuloy pa ring nadaragdagan ang mga ito gayong alam na nila kung ano ang kanilang kasasapitan kapag nahulihan sila ng droga.
Kahirapan nga ba ang nag-udyok sa kanila para gawin ito o pang personal na kadahilanan lang o biktima lang sila ng mga sindikato na nananamantala sa ating mga kababayan.
At bakit nga ba halos lahat ng may kaso ng droga na nahuhuli sa ibang bansa ay puro tourist visa lang ang hawak, katulad nitong si Mary Jane Veloso, ang Pilipinang ipa-firing squad sana sa bansang Indonesia noong 28 ng Abril ng taong kasalukuyan.
Tanong ng ilan nating kababayan ay kung bakit malayang nahahatulan ng kamatayan ang ating mga kababayang nahuhulihan ng droga sa abroad samantalang dito sa atin ay wala ni isa pang nabibitay.
Paliwanag sa atin nitong si Dir. DERRICK CARREON, PIO ng PDEA, walang nabibitay dahil walang death penalty sa bansa pero marami naman ang nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Sinisisi rin ng ilan nating ahensiya ang justice system natin dahil kahit gustuhin nga naman ng ahensiyang nanghuli na makulong ang naaresto ay wala silang magawa kapag pinakawalan na ito ng korte.
Katulad ng isa sa mga naaresto ng QCPD na nahulihan ng maraming shabu ngunit pinakawalan ito ng korte dahil sa ang nasabing suspek ay ka-KKK umano ni Pangulong Aquino.
Hindi na yata talaga mawawala ang droga kahit saang bansa, dito lang sa Pilipinas ay magtataka ka, kaliwa’t kanan ang ginagawang panghuhuli ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police at National Bureau of Investigation pero sa halip na mabawasan ang droga ay lalo pa yatang dumarami.
Iba’t ibang lahi ang mga naaresto at nakasuhan, may mga kilalang personalidad din ngunit nakapagtataka lang na biglang tumatahimik ang mga ahensiyang nakahuli at makikita mo na lang na nasa labas na ‘yung mga taong nahulihan ng droga.
Ang masakit lang nito, ginagamit na rin ng mga sindikato ang mga menor-de-edad, katulad ng mag-asawang nahuli ng Quezon City Police District may ilang araw na ang nakalilipas at ito rin ang naging daan para mahuli naman ang isang negosyanteng Chinese national na si Qui Yuqian alyas Qui na nakumpiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng P16-milyon. LILY’S FILES/LILY REYES
