MARAMI ang nagtataka kung bakit kasama ang pangalan ni Energy Sec. Jericho Petilla sa line-up ng UNA para sa Senado.
Ang pagkakasama kaya ng pangalan ni Petilla ay kasingkahulugan na rin na matagal na itong dismayado sa palakad ni PNoy o pwedeng basahin na rin na nagalit ito sa anak na lalaki ni Cory dahil sa walang habas na pagsabon sa kanya?
Sa pinakahuling line-up na inilabas ng UNA kasama ni Petilla sa line-up sa hanay ng oposisyon sina Rep. Sherwin Gatchalian, Rep. Lito Atienza, Rep. Manny Pacquiao, Manila Vice Mayor Isko Moreno, nasa line-up din ng LP, dating senador Dick Gordon at Migs Zubiri.
Malinaw na may nangyari nang usapan sa pagitan nina Petilla at UNA boss VP Jojo Binay kaya’t nailabas na ang pangalan ni Petilla bilang isa sa kanilang pambato sa 2016.
Hindi simpleng bagay ang pagkakasama ni Petilla sa UNA at ito ang dapat basahin at alamin ng mamamayan dahil tiyak na malalim ang dahilan ng naturang paglipat ng bangka.
Dapat sagutin ni Petilla ang usapin at diyan nakaantabay ang taumbayan dahil karapatan nilang malaman ang lahat lalo na’t tiyak na kasali rito ang Pangulo.
Oktubre pa ang filing ng COC kaya’t dapat na itong linawin ni Petilla na kilala rin namang hari sa Leyte.
####
Senado na ang target ni Isko Moreno.
Ito kaya ang gusto ni Mang Isko o wala lamang choice ang dating alaga ni Kuya Germs?
Malinaw kasi sa sangkatutak na tarp ni Isko sa buong bansa na pang nasyonal na ang kanyang target at lalo pa itong nakumpirma matapos ilabas ng UNA at LP na kasama sa line-up nila si Isko Moreno.
Klaro rin sa naturang kaganapan na hindi ibinigay ni Erap Estrada ang Maynila sa dating aktor dahil gusto pa raw ni Erap ng another term.
Ito ang pulitika sa bansa dahil interes lang ang sagrado at hindi ang salitang ipinangangako ng isang lider. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
