SI Congressman Manny Pacquiao mismo ang nagsabi na magaling na boxer ang nakalaban niya, kahit pa panay ang yakap, sayaw at takbo nito.
Kaya naman panay pangungutya ang galing sa mga fan ng sports na boxing ang tinanggap din ng kampeon na tumalo kay Manny.
Talo tayo. Maraming brokenhearted na mga Pinoy pagkatapos ng laban.
May mga na-depress pa, may mga galit dahil daw hindi lumaban nang harapan ang katunggali ng mahal nating si Pacman.
Pero move on na. Ganoon talaga ang boxing, hindi naman nandaya ang kalaban kahit pa sa tingin ng marami ay hindi patas ang ginawa niyang pagharap sa ating mahal na people’s champ, iba lang ang ginawa niyang style para manalo.
Pero sa tingin ng marami ay panalo pa rin si Manny sa puso ng mundo. Siya pa rin ang darling ng world boxing kahit talo.
Kaya naman mas lumakas ang endorsement power ni Pacquiao. Akalain mo, kung paninindigan ni Manny Pacquiao ang pagiging “poster boy” ng turismo para sa GenSan at sa Region 12?
Akalain mo ang benepisyong dulot nito. Napakaraming sikat na Hollywood stars ang sumuporta kay Manny bago pa man ang laban at kahit pagkatapos ng desisyon na talo tayo.
Napakaganda sanang pagkakataon kung ang mga ito’y maging endorsers din ng GenSan, ang bayang pinagmulan ng ating pambansang kamao.
Ang sobrang kasikatan ni Manny na anak ng Mindanao ay pwedeng magdala ng kasikatan din ng turismo sa ating bayan.
Isipin na lang ang lawak ng atensyon na naaabot ni Pacman, makatutulong ang kapangyarihang ito sa pag-endorse sa bayan niya at sa buong bansa para sa mga turista.
Kung tutuusin, hindi na kailangan pang tumakbo ni Pacman sa anomang elected position.
Ang kakayahan niya sa pag-promote ng ating bansa ay sapat na para makatulong siya sa atin bilang mga kababayan niya.
Sapat ang kanyang kapangyarihan para makatulong sa pag-unlad ng Pilipinas kung magiging poster boy sya ng napakalaking industriya ng turismo, umpisa sa GenSan, sa Region 12, tapos sa buong bansa.
o0o
Mag-email sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/COMM. ARIEL ENRILE-INTON
