MALAKI ang malasakit ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga Filipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Sabah, Malaysia kung kaya’t noong una ay pinakikiusapan niya ang Sultan ng Sulu na paatrasin na ang mga kaalyado nito sa pakikipagbakbakan sa Malaysian forces.
Kaya nga nang maglunsad ng air and ground strike ang Malaysia ay sinisi ni Pangulong Noynoy ang Sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III sapagkat hindi nito ipinagsaalang-alang ang may 800,000 Pinoy na nasa lugar.
At dahil sa malasakit ni PNoy bilang ama ng bansa sa kanyang mga anak ay hinikayat nito ang taumbayan na dapat lang suportahan ang batid nilang tama.
Tama naman ang paliwanag ng Pangulo na hindi dahil pinaaatras nila ang mga tauhan ng Sultan ng Sulu ay nangangahulugan na ito na inaabandona niya ang usapin sa pag-angkin ng Pilipinas sa nasabing lugar.
Naniniwala si Pangulong Aquino na hindi ang pag-aarmas sa mga tauhan ng Sultan ang makalulutas sa kanilang pag-angkin sa Sabah sapagkat ang anomang gusot ay nakukuha sa mabuting usapan at hindi sa pagdanak ng dugo.
Kaya nga, ayon pa kay PNoy, sa malumanay na paraan kinukuha ng Pilipinas ang tagumpay sa pag-angkin sa kontrobersyal na Spratlys.
Kaya nga dalangin ni PNoy at ng mga opisyal ng Palasyo ay hindi makasira sa magandang samahan ng Pilipinas at Malaysia ang maling hakbang ni Kiram at kanyang mga tauhan.
Sana nga ay maayos na ng mga Kiram ang gusot sa loob ng kanilang pamilya bago makipag-giyera sa Malaysia sapagkat sa maling hakbang nila ay nalalagay sa peligro ang buhay ng mga kapwa nila Filipino.