ISANG malaking hamon daw rito sa bagong talagang Region 4-A Director na si Chief Supt. Richard Albano, ang sinasabing big-time Gun Running Syndicate na nag-o-operate hindi lang sa Metro Manila at CALABARZON kundi sa buong bansa.
Sa impormasyong nakarating sa Lily’s Files, sinasabing malayang nakapagta-transport ng mga iligal na high-powered na baril ang isang malaking sindikato ng gun running na pinamumunuan ng isang alyas Ronald Naval, gamit ang mga sasakyang AUV na may plakang PQW-180; Toyota innova na green at Silver Suzuki Swift.
Ang grupong ito ni alyas Ronald Naval ay sinasabing nakatira riyan sa may Esla Subd.
Sa likuran lamang ng Robinsons’ Junction sa Cainta, Rizal ang itinuturong responsable sa pagpapakalat ng illegal short at high-powered firearms sa lalawigan ng Rizal at sa buong CALABARZON.
Gen. Albano, sir, ang illegal operation nitong si Ronald Naval ay isang malaking hamon sa iyo bilang bagong talagang PRO-4A director.
Patunayan mo, general, ang galing mo sa pagsugpo ng malalaking krimen katulad ng ginagawa mo noong ikaw pa ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD).
Itong si alyas Ronald Naval ang tinuturong lider ng nasabing sindikato na nagde-deliver daw ng mga baril sa kanyang mga contact sa SAF, PNP, military, mga political lord, mga Muslim contact at iba’t ibang private armed group at organized armed group sa tulong ng ama at kapatid nito.
Ayon pa rin sa impormasyon, ang warehouse raw ng pamilya Naval na nasa Sitio Banguiad, Bgy. San Juan, Taytay, Rizal ay hindi basta-basta napapasok ng kahit na sino at ayon pa rin sa ating source, ang kilabot na grupong ito’y untouchable dahil daw sa mga connection nito.
Attention: PRO4-A Director Gen. Richard Albano; Director DI, Gen. Charles Calima; Director PNP Intelligence Group Gen. Fernando Mendez; at CALABARZON FED Chief, S/Supt. Dennies Siervo, pakilusin n’yo na ang mga tao n’yo para matigil na ang bentahan ng baril.
Mga sir, ngayon n’yo paganahin ang ipinatutupad ninyong OPLAN LAMBAT SIBAT sa sindikatong ito at ipakita n’yo na hindi sayang ang ibinigay sa inyong intelligence fund.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09353110472 at 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES