MAYROONG tinatawag sa “logic” na depensa. Ang depensa ay mayaman sa datos upang ipakita ang kawastuhan ng aksyon ng isang tao.
Mayroon ding palusot. Ang palusot ay mga paliwanag ng kung ano-anong pangyayari na walang kinalaman sa paksang pinag-uusapan. Walang ibang layunin ito kundi makalusot o makaligtas sa pagkakamali o aberya.
Nang kunin ang paliwanag ni Alcala sa nawawalang P14.4-bilyon, ang unang sabi niya’y walang kinalaman ang DA sa naganap dahil “monitoring” lamang ang papel nito sa nabanggit na proyekto.
Ano ang “implementing agency”? Sa pag-aaral sa isyu, lumilitaw na Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinamumunuan ni Sec. Rogelio Singson ang nag-implimenta ng mga proyekto. Hindi nakuha ng media ang “total denial” ni Singson.
Nang muling tanungin si Alcala hinggil sa P14.4-bilyon, iba na ang sagot ng kaibigan ni Pangulong Aquino. Ang sabi ni Alcala, hindi nag-aakusa ang COA na mayroong anomalya sa P14.4-bilyon. Mali raw ang balita sa mga diyaryo.
Ani Alcala, pinagpapaliwanag lamang ng COA ang DA kung bakit nawawala ang P14.4-bilyon na inilaan noong 2013 sa kagawaran para sa iba’t ibang proyekto.
Sabi pa ni Alcala, walang nawawala dahil matatapos na ang mga proyekto ngayong taong 2015. Idiniin ni Alcala na nagugulat siya rito sa Pilipinas dahil sinisiraan ang DA, samantalang sa ibang bansa kung saan kagagaling lamang niya sa isang kumperensiya ay pinupuri ang mga proyekto ng DA hinggil sa agrikultura.
Bakit hindi sa Pilipinas ilunsad ang kumperensiya upang malaman ng buong daigdig ang totoong mga nagaganap sa DA at sa agrikultura ng Pilipinas sa panahong si Ginoong Proceso Alcala, ang kalihim ng DA?
Tutal kalihim naman si Alcala ng DA at kaibigan ni Pangulong Aquino, dapat pagdating na pagdating sa Pilipinas ay pumunta si Alcala sa kanto ng Commonwealth Avenue at Batasan at isa-isa niyang sinita ang mga opisyal ng COA at mga taong gumawa ng ulat laban sa DA. Ang paglusob sa COA ang hakbang ng taong mahina na nga ang depensa, mahina pa ang palusot. (Itutuloy)
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271 o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA