NITONG nakaraang Biyernes lamang, nagpramis tayong ilabas ang ilang rekord ng kapabayaan o malaking pagkukulang o kamalian ng pamahalaan sa ating edukasyon.
At sinabi pa natin na ang gobyerno mismo ang maaaring dahilan kung bakit atrasado ang ating sistemang edukasyon na nagbubunga ng kabobohan na rin sa ating mga estudyante at marahil sa mga titser na rin natin.
Dito hindi natin sinisiraan ang gobyerno o mga estudyante o mga guro. Bagkus ilalabas natin ang mga rekord upang ating mapag-aralan lahat kung paano mababago ang sistema ng ating edukasyon pabor sa buong lipunang Pinoy.
KALAGAYAN NG UNIBERSIDAD
Sa rekord ng National Research Council o CSIC kung tawagin at nakabase sa bansang Espanya, nakaaawa ang grado ng ating mga unibersidad.
Sa top 12,000 unibersidad-kolehiyo sa mundo, sa taong ito, pang-1,356 ang University of the Philippines-Diliman; 2,076 – De la Salle University; 2,268 – UP Los Baños; 3,119 – Ateneo de Manila University; 4,079 – UP; 4,490 – St. Michael’s College, Iligan City; 4,495 – University of South Eastern Philippines; 4,596 – University of Sto. Tomas; at 4,769 – Aquinas University-Bicol.
Wala tayo kahit man lang sana sa top 1,000.
Narito naman ang top 300 sa Asya, ayon sa QS University Ranking sa Asya: Pang-63 ang University of the Philippines; 115 – Ateneo de Manila; 141 – UST; 151-160 – De La Salle; at 251 – Ateneo de Davao.
Wala tayo kahit sa top 50 man lamang.
Para naman sa top 200 sa college of law, hindi natin makita ang rekord ng mahal kong Pinas.
HINDI NAMAN KULELAT
Kayo na, mga Bro, ang bahalang manghusga sa ating mga unibersidad, lalo na sa sistema ng edukasyon ng Pinas na sumasaklaw sa mga ito.
Sapat na bang sabihan ang ating mga sarili ng salitang consuelo de bobo na hindi naman tayo kulelat? Hehehe!
SA MATH AT SCIENCE
Sa WEF Global Competitiveness Report ukol sa math at science, nakaiiyak ang ranggo ng mahal kong Pinas kumpara sa mga bansang Singapore, Malaysia, Indonesia, Vietnam at Thailand.
Napakalaki ang agwat ng mga nasabing bansa sa atin at kulelat na kulelat tayo sa dalawang subject na ito?
Saan tayo pupunta niyan dahil lang sa kapabayaan at mga kamalian ng pamahalaan sa edukasyon? Hu-hu-hu!
BADYET SA 2014
Sabi ng 1987 Constitution, dapat bigyan ang edukasyon ng prayoridad sa lahat ng gawain ng gobyerno.
Pero ano ang nagaganap batay na rin sa pondo na inilalaan sa mga departamento ng gobyerno at iba pang usapin?
Noong 2014, may pambansang badyet sa edukasyon na P309 pero sa pambayad ng utang, naglaan ang gobyerno ng P333B at tila para sa interes lamang.
Nagbigay naman ang pambansang pamahalaan ng P318B na internal revenue allotment para sa local government unit.
Ayon naman sa mga kritiko, may pork barrel ang Malakanyang na mahigit sa P500B.
BADYET SA 2015
Sa taong ito naman, binigyan ang edukasyon ng P365B habang may P372B para sa utang at para sa interes lang din.
Nagkaroon naman ang mga LGU ng IRA na P318B samantalang nanatili umanong may mahigit sa P500B hanggang P1-trilyon ang pork barrel ng Malakanyang lalo’t nasa kamay na nito ang pork barrel ng mga kongresman at senador.
Sa kabuuan, mga Bro, hindi natutupad ang sinasabi ng Konstitusyon na dapat bigyan ng pangunahing pansin ang edukasyon ng pamahalaan at mayroong pinaglalaanan nitong iba.
Sa palagay ninyo, hindi itong wala sa ayos na badyet ang isa sa mga ugat ng pagiging atrasado ng ating sistema sa edukasyon at kabobohan ng ating mga kabataan at guro?
GURO VS MGA ESTUDYANTE
Narito naman ang bilang ng mga estudyante sa elementarya at high school sa bawat guro, mga Bro, sa Pinas at sa ibang bansa sa Asya.
Sa elementarya sa Pilipinas, may estudyanteng 31.4 sa bawat guro; Tsina – 16.8; Japan – 17.5; Malaysia – 12.5; Singapore – 17.4; Thailand – 16; Vietnam – 19.4; South Korea – 19; at Hong Kong – 14.
Sa high school naman, may 35 estudyante sa bawat guro; Tsina -15.5; Japan – 11.9; Malaysia – 13.7; Sinagpore – 14.9; Thailand – 21.2;Vietnam – 18.6;South Korea – 17.6; at Hong Kong – 17.5.
Sa ganyang kalagayan, anak ng tokwa, mauubos lang ang oras ng titser sa karo-roll call o pagtawag sa mga estudyante kung present sila o absent.
Sa ibang mga bansa, may roll call man, madali lang at may oras ang mga guro na magturo kaya may natututunan ang mga bata.
Hindi ba magbubunga ng kabobohan sa mga estudyante ang ganyang kalagayan at mahahayblad naman ang titser sa pag-iisip na walang natutunan sa kanya ang mga bata?
Ngayon, masasabi ba nating ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan?
Paano kung isasama pa rito ang matinding korapsyon? Hu-hu-hu ulit!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
