SAKIT sa ulo, hindi lang sa mga may-ari ng kumpanya at manggagawa, ang patuloy at sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis o produktong petrolyo.
Subalit mas lalo sa mga de-pamilyang tao na umaasa sa kakarampot na sahod kung manggagawa o kita at tubo kung negosyante man.
Bakit?
Dahil tila panggigipit sa mga mamamayang Filipino ang patuloy na pagtaas ng presyo hindi lang ng langis na sinusundan ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkaing gaya ng de-lata at noodles.
Sinasabayan pa ang mga ito ng presyo ng singil sa tubig, kuryente, pasahe at iba pang gastusin.
Para tuloy tinutorete ang isip ng mga magulang na may mga anak na nag-aaral sapagkat daragdag pa ang gastusin sa eskwela tulad ng notebooks, writing pads, lapis, ballpen at uniporme.
Makagawa naman sana ang pamunuan ni Pangulong Benigno Aquino III ng magandang proyekto na makikinabang ang mga magulang na may mga anak na pinag-aaral.
Higit sa lahat, sabayan nawa niya ng programang magpapatatag sa edukasyon ng mga kabataan upang magtuloy-tuloy ang pangarap ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.”
Noong panahon ni dating Presidente Ferdinand Marcos, may programa ang pamahalaan na “study now, pay later” na nagbigay ng magandang kinabukasan sa mga kabataang may talino subalit hindi kayang pag-aralin ng mga magulang sa kolehiyo o unibersidad.
Meron bang programang ganito si Aquino?
Tila wala namang pakialam ang gobyerno ngayon sa kinabukasan ng bayan.
Malaysia yata ang kanilang pinaaasenso at kinikilalang bansa.
Aba, mag-isip na ang mga Filipino. Aba’y apektado na ang mga mga nanay sa ‘di pag-aaral ng kanilang anak.
Lagot pa si Tatay kapag ang ipinalit sa kanila sa mga kumpanyang pinaglilingkuran nila ay dayuhan pa. PAKUROT/LEA BOTONES
