NAGLAHO ang P3.1-milyon ng isang negosyente nitong nakaraang linggo matapos magoyo ng grupong nagbebenta umano ng 10,000 sako ng asukal na nasamsam sa Subic.
Ito Ang Totoo: Enero pa nang simulang trinabaho ng grupo ang negosyante at maraming meeting ang naganap.
Lumalabas na ulo ng sindikato ay isang Luis Garcia na nagpapanggap na pamangkin ni SBMA Chairman Roberto V. Garcia kahit hindi niya kaano-ano.
Ayon sa complainant, minsan lang humarap ang Luis Garcia pero panay ang tawag at text nito at isang nagpakilalang George Villaflor ang laging humaharap sa kanila.
Nagkasundo umano sila matapos ipakita ni Villaflor sa buyer ang nakaimbak na asukal sa isang bodega sa NSD compound kaya nakumbinsi ito na lehitimo ang mga kausap.
Pinaghanda ng P3-M ang buyer bilang 20% down payment at P100K para umano sa “royalty” ng Subic-accredited company na prente sa bentahan.
Pinauna ang P40,000 sa “royalty” sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier sa isang Ernesto Manlapaz, Jr. na napag-alamang na-withraw sa branch nito sa San Agustin, San Fernando, Pampanga.
Noong Biyernes, nakipagkita sa may Bldg. 255 na katabi ng Bldg. 229 na SBMA Admin ang Villaflor at sa telepono nagbigay ng instruction ang Luis Garcia na ibayad na ang P3-M 20% deposit at kinuha na rin ang P60K cash na kulang sa “royalty.”
Dinala ng Villaflor sa Seaport Dept. Bldg. ang buyer na pinaghintay muna sa labas at makalipas ang ilang minuto, lumabas at sinundo sila nito para pumasok sa loob.
Ito Ang Totoo: Sa Seaport Bldg, hindi na iniisyuhan ng ID ng SBMA Law Enforcement Dept. guard na nakatalaga sa lobby ang buyer na hindi rin ini-log ang pagbisita.
Sa loob, sa utos umano ng Luis Garcia ay kinuha ng Villaflor ang backpack na may lamang P3-M saka pumasok sa isang kuwarto.
Pero ilang oras na ay ‘di pa rin lumalabas si Villlaflor na hindi na rin makontak sa cellphone kaya pinasok ng buyer ang kuwarto pero wala na ito.
Malaking misteryo ito na dapat asikasuhin ng mga kinauukulan at ating susubaybayan. ABANGAN. Ito ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.