NITONG nakaraang mga araw, sinasabi ng isang hukom sa Sandiganbayan na kung wala si Marina Sula, walang patutunguhan ang mga kaso ng magnanakaw na nakalista sa pangalawa at pangatlong grupo ng mga kawatan sa gobyerno.
Si Sula, mga Bro, ang may hawak ng rekord ng napakaraming ngalan ng mga senador, kongresman at taga-Palasyo na sangkot sa pagnanakaw sa Priority Development Assistance Fund na may kaugnayan sa P10-bilyong scam sa PDAF.
At kasama sa mga nasa listahan ni Sula ang mga malalaking kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III na kongresman, senador at taga-Malakanyang.
10-TAONG PAGLILITIS
Ayon kay Sandigan Justice Jose Fernandez, presiding judge ng 4th Division, mga Bro, dapat nang magsampa ng kaso ang Ombudsman habang buhay at nagbibigay pa si Sula ng testimonya.
Ayon kay Sula, handa siyang magtestigo kahit pa sa tantiya ni Hernandez na maaaring abutin ang paglilitis nang 10-taon.
Sinabihan din ni Justice Alex Quiroz ang mga taga-Ombudsman na magsalita na o magsampa ng kaso lalo’t tungkulin ng mga ito ang gagawa nito.
MAY PINARIRINGGAN
Hindi man sinasabi ng mga Hukom, mayroon silang pinatatamaan. Hindi lang ang Office of the Ombudsman kundi maging ang Department of Justice.
Nakapagtataka naman kasi na palipas nang palipas ang mga araw na walang nangyayari sa ikalawa at ikatlong grupo ng mga pinaghihinalaang kawatan sa pamahalaan.
Nasa kamay na ng Ombudsman ang pangalawang grupo samantalang marami ang naniniwala na pinipigilan din ng DOJ ang paglakad ng kaso laban sa pangatlong grupo.
Ayon sa mga kritiko, kasama na kasi ang mga malalaking politikong kaalyado ni Pangulong Noynoy sa nasa pangalawa at pangatlong grupo.
Isa pa, makakasama ng isang mataas na opisyal ng DOJ sa mga kandidato ni PNoy ang mga nasa listahan ng mga kawatan.
KILOS NG DOJ AT OMBUDSMAN
Ang totoo, pareho ang Ombudsman at DOJ na may kakayahang mag-imbestiga.
Pero hindi lang kakayahan kundi tungkulin ng mga ito ang mag-imbestiga.
Pareho ang dalawa na may kapangyarihang magpasimula o mag-inisyatiba ng imbestigasyon pero sa ngayon, hinahayaan lang ng Ombudsman ang DOJ na mag-imbestiga at magrekomenda ng mga kaso at kakasuhang mga tao sa Ombudsman.
Maalaala ninyo ang ginagawa ng Ombudsman sa mga taong ito na pagre-recruit ng maraming abogado bilang imbestigador?
Para magkaroon ito ng mga imbestigador na ipadadala sa kung saan-saang may kaso at mangalap ng mga ebidensya.
Pero wala yatang nangyayari.
PABAYA O MAY PINAGTATAKPAN
Nakapagtatakang walang inisyatiba ang Ombudsman kahit man lang sa sumabog na suhulan noon sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.
At nakapagtataka rin ngayon ang sinasabi ng DOJ na hindi nito prayoridad ang ikatlong batch, sabay bawi rito dahil ibunulgar ng media ang malatang pagtrato nito sa pangatlong batch.
Mayroon bang pinagtatakpan ang dalawang ahensiyang ito?
Ang Ombudsman ay hindi rin kumikilos sa mga pahayag ng Commission on Audit na hindi sila binibigyan ng Malakanyang ng mga datos ukol sa napakaraming senador at kongresman na may iskam o kasong pandarambong at pagnanakaw.
Tanging ang mga rekord lang na masasama nina Sens. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Reviilla, rerklamo ng COA.
At parang pipi’t bingi ang Malakanyang kung ang mga kaalyado na ni PNoy ang mga isinasagngkot sa iskam sa PDAF
LEGACY O ALAALA
Sinasabi ni PNoy na gusto niyang ipamana ang kapayapaan sa Mindano pag-alis niya sa kanyang trono sa Malakanyang sa 2016.
Maaaring matupad ang pangarap na ito, lalo na ang paggawa sa panukalang batas na Bangsamoro Basic Law.
Pero hindi ba mali ang Pangulo sa tila kawalan nito ng interes na isulong ang mga kasong pandarambong at katiwalian ng kanyang mga kaalyado mula sa Kongreso hanggang Malakayang?
Kung magagawa lamang sana ni PNoy ang pagsasampa ng mga kaso maging sa kanyang mga KKK, masasabi nating ito ang tunay na pamana o legacy.
Pero ang kabaligtaran ang mga nagaganap sa DOJ at Ombudsman.
Tanging mga malilit lang na baboy ang inilalabas para masabi lang ng mga mamamayan na pirmi ang kilos nito laban sa mga korap at mandarambong.
Dahil sa ganitong pangyayari, naniniwala tuloy ang marami na ang katarungan sa Tuwid na Daan ay naliligaw ng landas at haping-hapi ang mga KKK na korap.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
